Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

7:00 n.g. – San Miguel Beer vs. Alaska

MAKAKUHA ng 2-0 bentahe sa serye upang makalapit sa inaasam na pag-usad sa kampeonato ang tatangkain ng defending champion na San Miguel Beer sa muli nilang pagtutuos ng Alaska ngayon sa Game 2 ng best-of-5 semi-finals series para sa 2018 PBA Commissioners Cup.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ganap na 7:00 ngayong gabi ang muling paghahalo ng gatas at serbesa sa Araneta Coliseum sa Quezon City.

Nakauna ang Beermen sa serye matapos pataubin ang Aces sa Game 1 sa iskor na 92-79.

Anim na manlalaro ni Coach Leo Austria ang umiskor ng double figure para sa naturang panalo sa pamumuno ni reigning MVP Junemar Fajardo na nagtala ng 17 puntos.

Nauwi naman sa wala ang game high 31 puntos ni Aces import Diamon Simpson dahil kinulang ito ng suporta ng mga locals.

Sa kabila ng hawak na kalamangan sa serye, hindi inaalis ni Austria ang tsansa ng kanilang katunggali upang makabawi.

“We want to win the first game to dictate the tempo for them to think hard for adjustments,” pahayag ni Austria. “But I know Alaska will do more because that’s not their game. We’re expecting some more from them.”

Bukod kay Fajardo, muling sasandigan ng Beermen sina Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Ross, Marcio Lassiter, Christian Standhardinger, import Renaldo Balkman, at Kelly Nabong para palakasin ang tsansa na maidipensa ang kanilang titulo.

Sapat na suporta naman ang aasahan ni Simpson sa kanyang mga kakampi partikular kina Sonny Thoss, JV Casio, Jeron Teng, at Vic Manuel upang makatabla sa laban.

-Marivic Awitan