HINDI pa rin daw one hundred percent sure na tatakbong mayor ng Quezon City si Willie Revillame. Ito ang ibinalita sa amin ng isang mambabatas sa nasabing siyudad.

Willie copy

Ayon kay Congressman Winston “Winnie” Castelo, although mahigpit ang pangungumbinsi kay Willie ng isang lokal na partido na pumasok sa mundo ng pulitika, still ay may mga agam-agam pa raw ang TV host.

Wala pa raw talagang diretsong sagot si Willie, bagamat naniniwala ang ilang pulitiko na maaaring positibo ang magiging kasagutan ni Willie sa pagkandidatong Quezon City mayor sa susunod na taon.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

This coming October ang filing ng COC (Certificate of Candidacy) ng lahat ng tatakbo sa mid-term elections sa Mayo 2019, kaya dalawang buwan na lang daw ang ipaghihintay ng mga kumukumbinsi kay Willie.

Kumbaga, banggit pa ng kausap namin, kailangan na raw magdesisyon si Willie kung kakandidatong mayor ng Quezon City. Makakabangga niya ang kasalukuyang bise alkalde na si Joy Belmonte, huh!

Wala rin namang ideya si Mayor Herbert Bautista kung itutuloy na kalabanin ni Willie si VM Joy bilang susunod na Quezon City mayor, kung saan nakatatlong termino na si Bistek.

Samantala, kung may mga nag-uudyok kay Willie ay mayroon din namang mahigpit na tumututol. Kumbaga, may malalapit din naman kay Willie ang nagsasabing hindi na raw kailangan ng host ng Wowowin ang pulitika.

“Maganda na rin naman ang estado niya sa buhay. Nakakatulong din naman siya sa mga kababayan natin sa harap o sa likod man ng camera. Kaya huwag na niyang ambisyunin pang pasukin ang pulitika,”sey pa ng isang beteranong manunulat na malapit kay Willie.

Malaki ang paniniwala ng nasabing manunulat na magugulo lang daw ang buhay ni Willie kung tuluyang papalaot sa pulitika ang TV host.

“Madaling pumasok sa pulitika and for sure, kayang-kaya ni Willie na manalo at maging isang pulitikong tao. Pero dapat niyang alalahanin na malaki ang pagkakaiba ng showbiz at politics,” lahad pa rin ng kausap namin.

-JIMI C. E SCALA