LONDON (AP) — Sasabak si Serena Williams sa ika-10 Wimbledon final.Nakagugulat, at maging ang American tennis star ay hindi makapaniwala na maabot niya ang pedestal ngayong season.
Marami ang nagduda sa kakayahan ni Williams bunsod nang pagiging ina sa panganay na anak may 10 buwan pa lang ang nakalilipas, gayundin ang banta sa kanyang kalusugan.
Ngunit, nagbalik siya sa aksiyon at sa pagkakataong ito pinatunayan niya ang pagiging isang tunay na tennis legend, hindi lang sa kanyang henerasyon bagkus maging sa nakalipas na panahon.
Hataw sa magkabilang dulo ng court si Williams para gapiin ang 13-seeded na si Julia Georges ng Germany, 6-2, 6-4, nitong Huwebes (Biyernes sa Manila upang makausad sa championship round.
Isang laro ang layo ni Williams para sa ika-walong Wimbledon title at ika-24 na Grand Slam championship.
“A lot of people were saying, ‘Oh, she should be in the final,’” pahayag ng 36-anyos na si Williams. “For me it’s such a pleasure and a joy because, you know, less than a year ago, I was going through so much stuff.”
Naitala ni Williams ang limang aces sa service shot na may bilis na 119 mph, tampok ang 16 winner at may pito lamang na unforced errors.
Sa finals, isa pang German ang kailangan mapatumba ni Williams -- 11th-seeded Angelique Kerber – sa Sabado (Linggo sa Manila) para makumpleto ang kasaysayan.
“Whatever happens, honestly,” pahayag ni Williams. “It’s an incredible effort from me.”