KAHIT na ano ang sabihin ng sinuman, hindi ko makita hanggang ngayon ang lohika sa mga survey na isinasagawa ng iba’t ibang survey group. Maaaring makasarili ang aking pananaw sa gayong proyekto na nilalahukan lamang ng iilang kababayan natin; hindi magiging kapani-paniwala ang resulta ng survey, lalo na kung ang titimbanging isyu ay nangangailangan ng partisipasyon o pagpapasiya ng higit na nakararaming mamamayan.
Sa bagong survey, halimbawa, sinasabing bumaba nang husto ang popularidad ni Pangulong Duterte dahil marahil sa kanyang paulit-ulit na pagtuligsa sa Simbahang Katoliko – sa kanyang pahiwatig na istupido ang Diyos. Kung hindi ako nagkakamali, kagyat din ang pahiwatig ng Pangulo: It does not make sense at all. Nangangahulugan marahil na wala siyang pakialam sa resulta ng anumang survey.
Ang aking saloobin sa naturang mga proyekto ay hindi nangangahulugan ng pagmaliit sa pagsisikap ng mga survey firms na sukatin ang kamalayan ng sambayanan sa pagtimbang ng makabuluhang mga isyu na idinudulog sa kanila. Hindi dapat panghimasukan ang kanilang sariling mga layunin na isinusulong ng kanilang organisasyon. Hindi kaya bahagi ng kanilang mga adhikain ang pagkundisyon sa isipan ng taumbayan?
Lumabas sa isang survey kamakailan ang mga pangalan ng posibleng senatorial bets sa 2019 polls. Hindi ko napigilang magkibit-balikat nang halos tiyakin ang panalo ng naturang mga kandidato kung ngayon idaraos ang eleksiyon. Hindi ba ang gayong resulta ng survey ay isang paraan upang tangkilikin ng mga botante na iboto ang kandidato kahit na ang mga ito ay walang karapatang maging mga mambabatas?
Magugunita na noong nakalipas na mga presidential elections, halimbawa, nagpataasan sa survey ang mga kandidato. Isang kandidato ang halos tiyak na ang panalo subalit nang matapos ang halalan, sa kangkungan siya pinulot, wika nga. Bumandera ang kandidato na sa simula pa lamang ay kulelat na sa mga survey.
Nais kong bigyang-diin na hindi ko minamaliit ang mga pagsisikap ng mga survey groups – na ang ilan ay matagal na nating kapanalig sa propesyon – sa pagtimbang ng mga isyu. Ngunit nais ko ring bigyang-diin ang aking paniniwala na ang tunay na resulta ng anumang survey ay bunga ng paninindigan ng nakararaming mamamayan at hindi ng pasiya ng iilang utak, wika nga.
-Celo Lagmay