Nanindigan ang Department of Education (DepEd) na hindi nito pahihintulutang isailalim sa mandatory drug testing ang mga mag-aaral na 10 taong gulang lang, matapos na makipagpulong ang kagawaran sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno kaugnay ng kontrobersiyal na panukala.

Nitong Martes ay nagdaos ang DepEd ng tatlong-oras na pulong sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa Dangerous Drugs Board (DDB), at sa Philippine National Police (PNP) kaugnay ng panukalang isailalim sa drug test ang mga mag-aaral mula sa Grade 4.

Sa nasabing pulong, iprinisinta ng PDEA, DDB, at PNP ang kani-kanilang datos na tumutukoy sa biglaang pagdami ng mga batang nasasangkot sa ilegal na droga.

Sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na sang-ayon ang kagawaran na hindi lang pulisya at sektor ng edukasyon ang may problema sa droga, kundi isa itong matinding suliranin ng lipunan.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Gayunman, nanindigan ang DepEd na dapat na limitahan lang ang random drug testing sa mga estudyante sa high school at kolehiyo, alinsunod sa umiiral na batas.

“The important thing is, I think, all of us realize that the drug problem is not only a police problem, or an education problem, it’s a problem of society. And this can only be minimized if society also changes; we are engaged in the same battle, we are using different methodologies and we are focusing on different clientele,” ani Briones.

“Nag-agree kami na kanya-kanya kami ng trabaho—sa amin ang preventive, sa kanila ang enforcement. We have to respect what each of us are doing because we have the same goal, which is to fight illegal drugs,” sabi ni Briones, iginiit na ang mandato ni Pangulong Rodrigo Duterte ay paigtingin pa ang curriculum para sa mga siyam na taong gulang pataas.

Una nang iginiit ng DepEd na para maisakatuparan ang nasabing panukala ng PDEA ay kakailanganing amyendahan ang Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165), na nagpapahintulot lang sa drug testing sa “secondary and tertiary level students only.”

Matatandaang inulan ng batikos at pagkontra ng mga magulang, mga militanteng grupo at maging ng ilang senador ang nasabing panukala ng PDEA.

-JEL SANTOS