Unti-unti, pinapawi si Serena Williams ang hinuha ng marami na mahihrapan siyang magbalik-aksiyon mula sa pagsilang ng unang anak.
Sa ikawalang major tournament ng taon, kabilang si Williams sa Final Four ng pamosong Wimbledon.
Tangan ang service shots na may bilis na 109 mph, ginapi ni Williams ang 52nd-ranked na si Camila Giorgi ng Italy 3-6, 6-3, 6-4, nitong Martes (Miyerkules sa Manila) para makausad sa semifinals – ika-11 sa kanyang career – sa All England Club.
“Everything right now is a little bit of a surprise. To be here. To be in the semifinals. I mean, I always say I plan on it, I would like to be there, have these goals,” pahayag ni Williams. “But when it actually happens, it still is, like, ‘Wow, this is really happening.’”
Sunod na makakaharap ni Williams para sa Final slots si No. 13 seed Julia Goerges ng Germany, nagwagi kay No. 20 Kiki Bertens ng the Netherlands, 3-6, 7-5, 6-1.
“It’s pretty unreal for me,” sambit ni Goerges, umusad sa unang pagkakataon sa major semifinal.
Magtutuos naman sa hiwalay na semifinal sina No. 11 seed Angelique Kerber ng Germany at No. 12 Jelena Ostapenko ng Latvia.
Ginapi ni Kerber si No. 14 Daria Kasatkina ng Russia 6-3, 7-5, habang nagwagi si Ostapenko kay 2014 Australian Open runner-up Dominika Cibulkova ng Slovakia 7-5, 6-4.