MALIBAN kung magkakaroon ng mga pagbabago, nakatakdang magkita ngayon sa Malacañang si Pangulong Duterte at ang mataas na opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Makabuluhan at hindi malayong sensitibong mga isyu ang natitiyak kong tatalakayin nila sa naturang makabuluhan ding pag-uusap.
Totoong hindi dapat pangunahan ang nabanggit na iginagalang nating mga pinuno. Maaaring produkto lamang ng malikot na imahinasyon, subalit gusto kong maniwala na magiging paksa ng usapan ang karumal-dumal na pagpaslang sa ilang alagad ng Simbahang Katoliko. Hindi ko matiyak kung bubusisiin din nila ang mga dahilan ng naturang mga trahedya.
Kapuna-puna na ang naturang sekta ng rehiliyon ay paminsan-minsang umaalma kapag may napapatay na pinaghihinalaang sugapa sa droga. Kagyat ang kanilang reaksiyon: Hindi pagpaslang ang epektibong paraan upang ganap na malipol ang illegal drugs. Pero wala akong nalalamang programa ng Simbahan hinggil sa rehabilitasyon ng mga lulong at alipin ng kasumpa-sumpang bisyo.
Kapuna-puna rin na paminsan-minsang ipinahihiwatig ng Pangulo ang kanyang pagkadismaya sa ilang alagad ng Simbahan tungkol sa kanilang mga obligasyong moral at ispirituwal. Maging bahagi kaya ng kanyang pakikipag-usap sa CBCP head ang hinggil sa sinasabing pananampalasan sa kanya ng isang paring Heswita? Hindi ba minsan niyang ipinahiwatig na hindi niya kailangan ang seremonya ng isang pari kapag siya ay namatay?
Totoo na hindi lamang ang mga alagad ng Simbahang Katoliko ang mistulang pinag-iinitan ng mga buhong na kampon ng kasamaan. Maging ang ilang lider ng iba’t ibang sektor ng pananampalataya ay hindi rin pinaliligtas ng sinasabing mga hired killers sa iba’t iba ring dahilan.
Maaaring walang kaugnayan sa pagpapalaganap ng mga aral ng Diyos ang dahilan ng madugong mga eksena; maaaring mga motibong personal ang sanhi ng mga hidwaan. Maaaring marami pang dahilan na marapat din naman nilang idulog sa mga kinauukulan upang mailayo naman sila sa mga kampon ni Satanas.
Dahil dito, marapat din naman silang mapakinggan ng Pangulo. Ang kanilang mga pananaw ay natitiyak kong magiging bahagi ng mga pagsisikap ng administrasyon sa paglikha ng marangal, malinis, at matatag na gobyerno.
Sila, tulad ng iba pang alagad ng pananampalataya, ay hindi dapat ipuwera sa isang makabuluhang diyalogo.
-Celo Lagmay