Nagbabantulot pa rin si Pangulong Rodrigo Duterte na makipaggiyera sa China kaugnay sa iringan sa West Philippine Sea (South China Sea) ngunit nagbiro na sasakupin ng bansa ang higante ng Asia sa taong 4001.

Ito ang ipinahayag ng Pangulo para bigyang-diin na hindi kakakayanin ng bansa ang China sakaling pumutok ang digmaan, at mauubos lamang ang mga sundalong Pilipino.

“What can I do about China? At this time, none. Aggression? Impossible. It will be a massacre. Before I can launch a plane na tatargetin na ‘yan, it’s because talagang hindi natin kaya. We have to admit that we cannot launch a war with China,” ani Duterte sa anniversary rites ng Office of the Solicitor General nitong Martes ng gabi.

“Naglalaro ako ng baraha dito, wala man rin akong magawa, dito muna ‘yang China. ‘Pag year 4001, tigas na tayo, invade natin ‘yung China, kunin natin ‘yung oil natin. By that time, i-straw mo, wala na. Maski bunbon,” pagbibiro niya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

HAYAAN LANG

Binabatikos ng ilang concerned groups ang gobyernong Duterte na hindi sapat ang ginagawa para iprotesta ang reclamation works at military buildup ng China sa West Philippine Sea.

Gayunman, idiniin ng Pangulo na hindi siya sasabak sa digmaan na hindi niya maipapanalo. “Hayaan mo lang ang China. Hindi naman natin ma-giyera, we cannot retake it,” aniya.

Sinabi ni Duterte na kinausap na niya si Chinese President Xi Jinping at iginiit na ang teritoryo ay pag-aari ng Pilipinas at binanggit pa ang arbitration award. Ngunit sumagot si Xi na ang China ay mayroong historical claims sa South China Sea.

Ayon pa kay Duterte nagsuhestiyon si Xi na saka na nila pag-usapan ang tungkol sa iringan at sa halip ay pagtuunan ang cooperative ventures gaya ng joint oil exploration. Nag-alok si Xi na bibigyan ang Pilipinas ng “little add on” o mas malakiing parte sa proposed deal.

Gayunman, sinabi ni Duterte na kukonsultahin muna niya ang Kongreso at iba pang grupo tungkol sa panukala ng China kung ito ay naayon sa batas o hindi.

PASAKLOLO

Samantala, sinabi ni Duterte na sakaling sumiklab ang matinding digmaan laban sa mga terorista sa Mindanao, sa China siya hihingi ng tulong militar at hindi sa United States.

“If there is a full-blown war fighting in Mindanao, saan ako maghingi ng tulong? America? You think their men in the boots would come here? Ang layo nun and even the shipment,” ani Duterte.

“Sino ang makatulong sa atin sa armas? Well, China. Ang pinakamalapit. ‘Pag naubusan na ako ng bala, naubusan na ako lahat, dito ako sa China, hindi ako pupuntang America,” aniya pa.

-GENALYN D. KABILING