Hindi sniper ang pumatay kay Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili nitong Lunes, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Paglilinaw ni Police Regional Office (PRO)-4A Director, Chief Supt. Edward Carranza, ang sniper ay karaniwang tumitira ng kalaban sa layong 500 metro o higit pa.
Aniya, nadiskubre ng pulisya ang sinasabing lugar na pinuwestuhan ng bumaril kay Halili na tinatayang nasa 200 metro lamang ang layo sa alkalde.
Isa aniyang marksman, o bihasa sa paghawak ng mahabang baril, ang pumaslang sa alkalde. Ang marksman, aniya, ay isa lamang sa mga kategorya ng sharpshooters sa Pilipinas. Ang sumunod dito ay tinatawag na ”expert”, ayon kay Carranza.
Maaari lamang aniyang ikonsidera bilang sniper ang state security forces, katulad ng mga opisyal ng sundalo at pulisya, dahil sumasailalim ang mga ito sa matitinding pagsasanay.
“When you use the word sniper, you are pertaining to a police or a military. Once you said a person is a sniper, you have to go through a series of trainings and not everybody who can use long firearms can join a sniping course,” ani Carranza.
Idinetalye pa niya na ang balang narekober sa bangkay ni Halili ay isang 5.56 millimeter, na posibleng mula sa isang M16 o M14 armalite rifle, o anumang kauri nito, at hindi sniper rifle.
Kaugnay nito, isang re-enactment sa pagpatay kay Halili ang isasagawa naman ng pulisya ngayong araw.
Ito ay isasagawa habang nangangalap pa ng iba pang ebidensya ang pulisya na makatutulong sa imbestigasyon sa kaso.
-Martin Sadongdong