INAGAW ng Victorious Colt ang atensyon mula sa pamosong karibal na Smart Candy at Wonderland para maitala ang sopresang panalo sa ikatlo at huling leg ng pamosong Triple Crown Series ng Philippine Racing Commission nitong Linggo sa Santa Ana Park, Saddle and Clubs sa Naic, Cavite.

Sumagitsit sa kalagitnaan nang karera na may distansiyang 2,000 meters ang Victorious Colt, pambato ni JA G. Zialcita, para lagpasan ang liyamadong first leg winner Smart Candy at second leg champion Wonderland tungo sa halos limang dipang layo na panalo.

Sumegunda ang Smart Candy at pangatlo ang Wonderland, habang bumuntot sa pang-apat ang Prosperity.

“Wala namang ipinagbago sa takbo namin, ganu’n din ang itinakbo niya nu’ng umuulan din,” pahayag ni jockey Oneal P. Cortez.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“Sa umpisa, okay siya, humahatak. Sa tingin ko hanggang diretso, kayang kaya. Kaya ni-rektahan ko na lang.”

Sa unang sigwa, dikdikan ang pambato ng SC Stockfarm na Smart Candy at Wonderland ni Herminio Esguerra, ngunit sumingit sa hidwaan ang Victorious Colt sa kalagitnaan ng karera at bago pa mang nakadiskarte ang dalawang pamosong karibal, humaribas ang bitaw ni Cortez para makalayo sa huling 200 metro ng laban.

Nakopo ng Victorious Colt ang P1.8 milyon premyo at tropeo na ipinagkaloob nina Philracom Commissioners Wilfredo de Ungria at Victor Tantoco. Naibulsa ni Leonardo M. Javier, Jr. ang Breeder’s Purse na P100,000.

Naiuwi ng Smart Candy ang P675,000 runner-up purse, habang nakakolekta ang Wonderland ng P375,000 at P150,000 sa Prosperity ni Leonardo Javier.

Sa P1-million 2018 Philracom Hopeful Stakes Race, namayani ang Talitha Koum (jockey RG Fernandez, George R. Raquidan) para sa premyong P600,000 kasunod ang Eli Brassous (Ro Niu Jr., Running Rich Racing, Inc.) at Best Ever (PR Dilema, Herminio S. Esguerra).

Nanaig naman ang The Barrister (JT Zarate, Daniel C. Tan) sa P500,000-3YO Locally Bred Stakes Race kasunod ang Smell My Tail (MB Pilapil, Mark Vincent A. Geron), Courageous (JB Hernandez, Narciso O. Morales); Misha (JB Guce, Leonardo M. Javier Jr.); Perlas ng Silangan (FM Raquel, Herminio S. Esguerra).

Ang three-leg series ay inihalintulad sa United States’ Triple Crown – tampok ang Kentucky Derby, Preakness Stakes, at Belmont Stakes.

Huling nakakumpleto ng Triple Crown ang SC Stockfarm’s Sepfourteen. Sa kasaysayan ng local race industry, kabuuang 11 ang nakagawa ng ‘sweep’ tulad ng Fair and Square in 1981, Skywalker (1983), Time Master (1987), Magic Showtime (1988), Sun Dancer (1989), Strong Material (1996), Real Top (1998), Silver Story (2001), Hagdang Bato (2012) at Kid Molave (2014).