Hinikayat ng isang mambabatas ang lahat ng jueteng lords sa bansa na makipagpulong kay Pangulong Duterte as Malacañang, upang matulungan ang pamahalaan sa pagbalangkas ng implementing rules and regulations para sa small town lottery (STL).

Ito lang ang paraan upang malipol na ang illegal gambling sa bansa, ayon kay Ako Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe.

Muling binuhay ni Batocabe ang kanyang panukala na magdiyalogo ang mga jueteng lords sa pamahalaan.

“Seryosong proposal ito. Dapat tanungin na ng Pangulo, kayong mga iligal na jueteng lord, tulungan nyo ako...para maging ligal na ito. Ano ang dapat gawin, ano ang rules. Gawa kayo ng rules. Kasi walang eksperto dyan kundi sila,” ani Batocabe, na miyembro ng House Committee on Games and Amusement, sa isang radio interview.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Aniya, “hindi kaya ng Presidente, hindi po kaya namin sa kongreso o kung sinuman kahit sinong magaling na abogado hindi makakagawa ng IRR dyan. Ang pwede lang maka IRR dyan ay itong mga jueteng lords.”

Hindi na kailangang gawing legal ang jueteng kung papayagan sumali ang jueteng lords sa STL.

“Kung ayaw nila, mag-retire na sila,” saad ni Batocabe.

Mas makabubuti umano kung isama ang mga nagpapatakbo ng jueteng sa STL dahil may mga STL operator na hindi nagdideklara ng lahat ng kanilang kita at nagbabayad ng tamang buwis.

Sa 70 STL operator sa bansa, 26 ang may P12 bilyon kakulangan sa buwis sa ilalim ng Duterte administration.

“PCSO should start by weeding out agents which cannot deliver the guaranteed revenues to the government. Otherwise, we will just be condoning a glamorized jueteng,” dagdag niya.

Una nang sinabi ni Duterte na ipapatawag niya ang mga jueteng lords sa isang pulong upang itanong kung titigil na sila o ituturing silang kanyang kalaban.

-Charissa M. Luci-Atienza