Ni Clemen Bautista
ANG panahon ng tag-ulan ay karaniwang nagsisimula sa huling linggo ng Mayo. At ang kasagsagan nito ay kung buwan ng Hunyo hanggang kalagitnaan ng Oktubre. Kung hapon, karaniwan na ang pagkakaroon ng unos at malakas na mga pag-ulan.
Sa panahon ng tag-ulan, nagkakaroon din ng mga bagyo na nakapipinsala sa buhay at nagpapalugmok sa kabuhayan ng ating mga kababayan na dinaraanan at nahahagupit ng malakas na hangin at ulang dala ng bagyo. Kung minsan ay ng mga pagbaha.
Kung Amihan ang nadarama at sumisimoy kung tag-araw, malakas na Habagat na may kasamang ulan naman ang nagaganap sa panahon ng tag-ulan. Kung minsan, may kasamang matatalim na kidlat at malakas na dagundong ng kulog. Kung matatalim ang kidlat at malakas ang dagundong ng kulog ay napuputol at nawawala ang daloy ng kuryente. Nababalik naman matapos ang malakas na ulan. Ngunit may pagkakataon na matagal bago bumalik ang daloy ng kuryente sapagkat naapektuhan ang mga linya ng kuryente ng matatalim na kidlat. Sa ibang lugar na matindi ang pinsala ng pagkidlat at pag-ulan, tumatagal ng isa hanggang dalawang araw bago maibalik sa normal ang daloy ng kuryente. Bunga nito, kung gabi, maraming tahanan ang walang liwanag ang buhay. Nagtitiyaga ang marami nating kababayan sa liwanag ng kandila at mga gasera na aandap-andap ang hatid na liwanag.
Kapag nagsimula na ang pag-ulan tuwing hapon sa huling linggo ng Mayo at naging madalas na kung buwan ng Hunyo hanggang Hulyo, nagkakaroon na ng tubig ang linang sa bukid na taniman ng palay. At kapag naging sapat na ang naipong tubig sa linang, ang mga magsasaka, sa tulong ng kanilang kalabaw ay sisimulan na ang pag-aararo at pagsusuyod sa kanilang lupang sinasaka.
Ang ibang magsasaka’y gumagamit naman ng traktora. Kasunod na nito ang pagtatanim ng palay sa mga lupang sinasaka. Sa simula, matapos tamnan ng palay ang lupang sakahan, kung tatanawin ay tila kumot na kulay dilaw ang itinanim na mga palay Ngunit makalipas ang isa o dalawang linggo, ang tila kumot na kulay dilaw na palay sa bukid ay nagiging luntian o kulay berde na. At makalipas ang ilan buwan, ang kulay luntian ay nagsisimula nang maging kulay-ginto sapagkat malusog ang mga buntis na uhay ng palay. Paglipas ng ilang araw, aaanihin na ang bunga ng hirap at pagod ng mga magsasaka. May ngiti sa labi ang mga magsasaka kasabay ang pasasalamat sa Diyos dahil sa masaganang ani.
Sa marami nating kababayan, may hatid na pangamba ang pagsapit ng tag-ulan sapagkat nagaganap ang pagkakaroon ng mga bagyo. Malakas man o mahina ang dalang hangin at ulan ng bagyo, ang pangamba at takot ay hindi nawawala sa isip ng ating mga kababayan lalo na sa mga dumanas, pinahirapan at hinagupit ng hangin at ulang dala ng bagyo. Nawasak at nasira ang mga tahanan. Napinsala ang kabuhayan. At kung minsan, dalamhati sa iba nating kababayan sapagkat nawalan ng mahal sa buhay.
Sa iba nating mga kababayan lalo na ang mga nakatira sa paanan ng bundok at gubat na kinalbo, na pinanot ng mga legal at illegal logger at mga tusong developer, takot at pangamba ang hatid ng pagsapit ng tag-ulan. Natatakot at nangangamba sa maaaring maganap na mga pagguho ng lupa. Matinding pagbaha na may kasamang pinutol na mga kahoy at troso. Magwawasak ng kanilang mga tahanan at ari-arian. Muling kikitil ng buhay ng kanilang mahal sa buhay at mga kamag-anak. May nahuhuling illegal logger. Kinukumpiska kunwari ang mga chainsaw at iba pang gamit sa pagpuputol ng mga punongkahoy at mga troso, ngunit hindi naman naparurusahan. Iisa ang dahilan. Nagkaroon ng malaking cash-unduan.
Nabulag ang mata ng katarungan. Patuloy na nakangisi ang mga tunay na berdugo ng ating mga gubat at bundok.
Katulad ng tag-araw, ang tag-ulan ay nagtatagal ng ilan buwan. Laging nagkakaroon ng mga bagyo. Mahina man o malakas ang dalang hangin at ulan nito, ang pangamba ay hindi nawawala sa ating mga kababayan. Alam nila ang dulot na pinsala sa kanilang buhay. Masisira ang kanilang mga pananim, mawawasak ang kanilang mga bahay, at magpapalugmok sa kanilang kabuhayan.
Sa pagsapit ng tag-ulan, iisa ang dasal ng ating mga kababayan: Huwag na sanang magkakaroon ng mgamalakas na bagyo, mga pag-ulan at pagbaha na makapipinsala sa buhay at kabuhayan. Dinggin sana ng Diyos ang kanilang panalangin pati na ang dasal ng inyong lingkod sa intercession ni Mama Mary.