Nagpahayag ng kahandaan ang Philippine National Police (PNP) na gampanan ang responsibilidad sa pagkontrol sa lokal na pulisya sakaling nabigo ang mga local chief executive na maipatupad o mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang nasasakupan.

Pagdidiin ni PNP chief, Director General Oscar Albayalde, dapat na ang mga lokal na opisyal, tulad ng mga gobernador at alkalde ay may responsibilidad sa pagpapatupad ng peace and order sa kanilang komunidad.

Aniya, kapag nabigo ang mga ito ay handang-handa ang PNP na kontrolin ang lokal na pulisya.

“Kapag ikaw ay local chief executive, ikaw ang may responsibilidad sa peace and order, that’s why you have the operational control over the police personnel in your area, municipality or city, kaya po nasa batas ‘yan,” ayon kay Albayalde.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Ito ang reaksiyon ni Albayalde sa naging pahayag ni Pangulong Duterte na tatanggalan nito ng kapangyarihan ang mga lokal na opisyal na nagpapabaya sa kanilang trabaho.

Inatasan na rin ng Pangulo si Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na i-audit ang mga mayor at gobernador sa mga lugar na patuloy na nakapagtatala ng mataas na crime rate.

“Sabi ko kay General Año, ‘i-audit mo nga ‘yan sila, sir’ and sabi ko, ‘yung mga mayors na hindi makapag-control ng crime and every now and then may buy-bust dito, buy-bust doon, kung saan-saan na lang. It numbers like 20 buy-bust operations a day, eh, tatanggalin mo ‘yang pulis niya. Ilagay ko ‘yung pulis ko, ikaw na ‘yung mayor,” sinabi ni Duterte.

Ayon kay Albayalde, alinsunod sa batas ang kanyang hakbang na pag-take over sa pulisyang hawak ng mga lokal na opisyal, batay sa Section 51 ng RA 6975 (Department of Interior and Local Government Act of 1990) kung saan ang mga mayor at gobernador ay mayroong “operational supervision and control” sa kanilang mga pulis.

“Not necessary taking over. You are in control of the [operations] of the police. As mayor, alam mo rin dapat [ang] nangyayari sa iyong lugar lalo na sa peace and order. Hindi mo puwedeng ipaubaya lahat sa pulis. Ikaw ang pinaka-tatay sa lugar at ikaw ay ibinoto so they expect you to lead,” paliwanag ni Albayalde. (Martin A. Sadongdong)