NAKATAKDANG ilunsad ng Department of Transportation (DoTr) ang fuel voucher program para sa mga public utility jeepney (PUJ) operator at mga drayber ngayong Hulyo, upang mabawasan ang bigat ng oil price at excise tax hikes na resulta ng implementasyon ng Tax reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Sakop ng programa ang nasa 179,000 PUJ sa buong bansa.
“The subsidy is open for jeepneys with legitimate or valid franchises,” pahayag ni DOTr Public Information Director Godess Hope Libiran.
Pinag-aaralan na ng DoT rang paglalaan ng P977 milyong budget para sa pagbibigay ng P5,000 tulong-pinansyal sa 179,852 lehitimong PUJ franchise holders para sa inisyal na implementasyon ng programa.
Ang unang bahagi ng programa ay pinagtulungan ng ilang ahensiya ng gobyerno kabilang Department of Energy (DoE), Department of Finance (DoF), Department of Budget and Management (DBM), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at ng Landbank of the Philippines (LBP).
Gagamit ang mga benepisyaryo ng debit card na ipoproseso ng LBP.
Ang subsidy program ay nakaayon sa Seksyon 82 ng Republic Act 10963 o ang TRAIN Law na nag-uutos ng probisyon ng fuel vouchers para sa mga kuwalipikadong PUJ franchise holders.
“The Fuel Subsidy Program aims to cover 100% of legitimate PUJ units with existing LTFRB franchise covering five years upon execution of the TRAIN Law,” ani Libiran.
Binabalak din ng DoT rang paglagda ng isang Memorandum of Understanding kasama ng DoE at ibang mga kumpanya ng langis upang masiguro ang kooperasyon ng industriya ng petrolyo sa bansa sa implementasyon ng programa.
Habang ikinokonsidera rin ng ahensiya ang paglagda sa isang Memorandum of Agreement kasama ang LTFRB at LBP para sa pagpapatupad ng programa, distribusyon ng card at financial reporting mechanisms. (PNA)