Japan, lusot sa World Cup R-16 via tiebreaker
VOLGOGRAD, Russia (AP) — Natalo, ngunit nagawang makausad ng Japan sa Round-of-16 ng World Cup. Salamat, sa tiebreaker.
Nakamit ng Japan – tanging koponan mula sa Asia sa knockout stage – ang upuan sa Round-of-16 kahit natalo sa huling laro laban sa Poland, 1-0, nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) bunsod nang konting yellow cards laban sa Senegal, natalo rin sa huling laro ng Columbia, 1-0.
Kapwa tumapos ang Japan at Senegal sa group phase na may apat na puntos at dami ng naiskor na goals. Ngunit, sa pagsisimula ng torneo, isinama na rin ng FIFA ang disciplinary records — kilala bilang fair play — para gamiting basehan sa tiebreaker. Tangan ng Japan ang apat na yellow cards sa tatlong laro habang ang Senegal ay may anim na yellow cards.
Naitala ni Jan Bednarek ang tanging goal ng Poland sa laro laban sa Japan sa ika-59 minuto.
Ito ang ikatlo sa limang pagkakataon na nakausad ang Japan sa knockout round ng World Cup.
Sa pagsisimula ng knockout phase, nadomina ng European at South Americans nations ang torneo para pantayan ang bilang noong 1998 at 2006 mula nang gamitin ang kasalukuyang format.
Kabuuang 10 European nations ang umabot sa round of 16, habang apat mula sa South America at sabit ang Mexico at Japan . Sa unang pagkakataon mula noong 1982, walang African team ang nakalusot sa first round.
Sa nakalipas na 20 World Cups, 11 ulit na naging kampeon ang Europe, habang siyam ang South America.
Ang pagkasibak ng Germany ang pinamamalaking istorya sa kasalukuyan. Liyamado at inaasahan ng marami na maitatala ng German ang back-to-back title – unang pagkakataon – mula nang magawa ng Brazil noong 1958 at 1962.