‘Have money, will travel’, sasambulat sa POC-- Fernandez
POSIBLENG gamitin ng Philippine Olympic Committee (POC) ang ‘Have Money, Will Travel’ policy kung nanaisin ng Olympic body na isama sa delegasyon ng Pilipinas ang mga sports – tulad ng women’s volleyball -- na hindi nakapasa sa criteria ng Asian Games selection committee.
Ito ang tahasang pahayag ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez bilang pagtugon sa rekomendasyon ng Commission on Audit (COA).
“As far as COA’ recommendation, hindi kami magbibigay ng budget sa mga sports na may unliquidated expenses and of course sa mga national sports association na hindi naman pasok sa criteria,” pahayag ni Fernandez, isang masugid na kritiko ng noo’y POC president na si Jose ‘Peping’ Cojuangco.
“Kami naman sa PSC ay sumusunod lang sa itinatadhana ng batas. Wala namang problema sa budget dahil may earmarked na kami sa Asiad participation, but we will make sure that only deserving athletes will go,” aniya.
Sa isinagawang pakikipagpulong ng PSC sa COA, mariing ipinatutupad ng auditing agency na higpitang ang pagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga NSA na may pagkakautang pa sa pamahalaan.
“We recommend that the PSC Board of Commissioners require the head. NSA Affairs Office to discontinue the processing of the request for new/ additional FA to NSAs with unliquidated advances,”pahayag ng COA.
Sa nakalipas na mga taon, umabot na sa P200 milyon ang unliquidated expenses ng mahigit 40 NSA sa PSC, kabilang na ang volleyball na sa pamumuno ng Larong Volleyball ng Pilipinas. Inc. ay naghahangad na mapabilang sa Team Philippines na isasabak sa Asian Games sa Agosto sa Jakarta, Indonesia.
Kapwa nagpahayag ng kagustuhan sina Asiad Chief of Mission Richard Gomez at POC President Ricky Vargas na isama ang women’s volleyball bunsod na rin sa umano’y tinatamasang kasikatan ng sports.
“Based on the criteria set by the Asian Games selection committee, hindi qualified ang women’s volleyball. Sa SEA Games, nga nahirapan tayo eh!. pero kung ipipilit nila, gastusan muna nila tapos irere-inburse namin kung makamedalya ang women’s volleyball. Meron naman silang sariling budget eh,” sambit ni Fernandez, patungkol sa P50 milyon na ibinigay sa POC ng San Miguel Corporation.
Nauna nang nagkaloob ng donasyon ang MVP Group ng P100 milyon para ipantustos ng POC sa mga programa.
Ngunit, ayon sa isang POC officials, magiging precedent sa mga NSA’s na nagnanais ding makalaro sa Asian Games kung gagamitin ang ‘have money, will travel’.
“Ano ang gagawin ng POC kung lahat ng sports na qualified laruin sa Asian Games ay sasama dahil may pera silang magagamit. Papayagan ba ito ng POC? Kung papayagan nila ang women’s volleyball, walang dahilan kung bakit hindi nila payagan ang iba,” pahayag ng opisyal na hiniling na huwag nang bangitin ang pangalan.
-ANNIE ABAD