MULI na namang maghahanap ng bagong coach ang koponan ng Columbian Dyip matapos magbitiw si coach Ricky Dandan.

Pormal na nagbitiw si Dandan, ang nagsilbing ikatlong head coach ng koponan sa kanyang posisyon nitong Lunes ng gabi.

Sa kanyang letter of resignation, sinabi ni Dandan na gusto niyang makapag-focus sa pagtulong sa koponan ng University of the Philippines sa kampanya nito sa darating na UAAP Season 81 Men’s Basketball.

“Since January I have focused all of my efforts full time as head coach of Columbian and, when time permitted, I attended the practices of the UP Men’s Basketball Team,” ani Dandan sa kanyang liham.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ayon pa kay Dandan, gusto niyang maging full time sa pagtulong kay UP Fighting Maroons coach Bo Perasol sa hangad nilang maibalik ang koponan sa Final Four.

Sa ilalim ng kanyang paggabay, nakapagtala ng markang 5-15 ang Columbian Dyip at kasalukuyang may markang 4-7, at may gahibla pang tsansa upang umusad sa playoffs.

Nagpasalamat din si Dandan sa oportunidad na ibinigay sa kanya nina Team Governor Bobby Rosales at Team Manager Joe Lipa.

“Most of all, I am deeply grateful to all of our players. It was an honor and a privilege to have served them,” ayon pa kay Dandan.

-Marivic Awitan