Naninindigan ang Department of Education (DepEd) na hindi basta-basta maaaring isailalim sa drug test ang mga mag-aaral sa elementarya.

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, dapat na maging maingat ang pamahalaan sa nasabing usapin, dahil maaari itong magresulta sa pagkasira ng buhay ng isang paslit.

Paliwanag pa ng kalihim, ang instruksiyon sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte ay paigtingin at paghusayin lang ang curriculum ng mga nasa elementarya tungkol sa ilegal na droga, at tanging ang mga nasa high school level lang ang isasailalim sa drug test.

Ang pahayag ay ginawa ni Briones kasunod ng panukala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isailalim sa mandatory drug testing ang mga mag-aaral sa elementarya, simula sa Grade 4 pataas, gayundin ang kanilang mga guro.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang panukala ni PDEA Director General Aaron Aquino ay kasunod ng pagkakaaresto sa isang at sa isang 10-anyos na lalaki sa isa sa mga operasyon ng ahensiya.

Mariin rin namang kinondena ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang mungkahi ng PDEA, sinabing insulto ito sa mga guro at paglabag sa karapatan nila at ng kanilang mga estudyante.

Binatikos din kahapon ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III ang PDEA kaugnay ng nasabing panukala, na tinawag niyang “pointless” at “gastos lang”.

‘That is pointless because what is the use of the test result? If positive then what? And how many false or wrong positives and even negatives will our system produce?” saad sa mensahe ni Pimentel sa mga mamamahayag.

“Malakihang gastos lang ‘yan, hence I’m interested to know who came up with such a ‘brilliant’ idea. Ginawang mandatory para talagang malakihang gastos.”

“Assume there is a positive test result. Sige nga, start drafting the information or even the complaint which starts the preliminary investigation. What will you put there? When did he take the drug? Where? What kind of drug? What quantity? We cannot force the person concerned to supply all of these essential information,” ani Pimentel.

Una nang kinontra ng mga senador ang nasabing plano ng PDEA, sinabing ang mga mag-aaral sa Grade 4 ay “too young” para sumailalim sa mandatory drug test.

-MARY ANN SANTIAGO at VANNE ELAINE P. TERRAZOLA