Tatlong lalaki na umano’y drug pusher ang natiklo ng mga tauhan ng District Station Drug Enforcement Unit (DSDEU) sa buy-bust operation sa Malabon City, nitong Miyerkules ng gabi.

Sa report ni Chief Inspector Arnold Albastro, head ng DSDEU, kinilala ang tatlo na sina Ramil Faseldon, 42, ng Block 9, Lot 6, Phase 3, Pla-Pla Street, Barangay Longos ng nasabing lungsod; Elmer Mingi, 49, purchaser ng No. 1373 Instruccion St., Sampaloc, Maynila; at Ariel Niniong, 48, ng No. 254 PNR Compound, Samson Road, Caloocan City.

Nagsagawa ng operasyon ang awtoridad sa panulukan ng Pampano St., sa Bgy. Longos, Valenzuela City, dakong 9:20 ng gabi.

Target ng operasyon sina Faseldon at Mingi na umano’y kilalang mga tulak sa lugar kung saan isa sa mga pulis ang nagsilbing poseur-buyer.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Makalipas ang ilang minuto, dumating na ang dalawa sakay sa kotse (UPF-871) at nang maibenta ang droga ay agad silang inaresto.

Paalis pa lamang sana ang mga pulis nang dumating si Niniong, lulan sa isa pang kotse (CW-3644), na bibili rin sana ng droga sa dalawang suspek kaya dinampot na rin ito.

Narekober sa operasyon ang limang pakete ng umano’y shabu, na aabot sa P30,000, at marked money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-Orly L. Barcala