Mariing itinanggi kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang alegasyon tungkol sa umano’y may itinakdang bilang ng mga tambay na dapat na maaresto ang pulisya kada araw.

Iginiit ni Senior Supt. Benigno Durana Jr., tagapagsalita ng PNP, na walang ibinigay na arawang quota ang pulisya sa pagdakip sa mga tambay, na iniuugnay ng mga awtoridad sa mga paglabag sa mga ordinansa at sa ilang krimen.

“No such thing as quota!” saad sa text message ni Durana sa Balita.

Umusbong ang alegasyon dahil sa post ng Facebook user na si Jiggs-Dexter Fuentes-Lopoz nitong Lunes tungkol sa pagbatikos sa pag-aresto sa walong kalalakihan, na aniya’y porter at estibador sa pier.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Umabot na sa 2,300 shares, 2,200 reactions, at 200 ang comments sa nasabing post ni Fuentes-Lopoz.

Hindi naman malinaw kung mismong si Fuentes-Lopoz ang kumuha ng litratong kaakibat ng post, dahil may katulad na larawan na ipinost sa Twitter ang DZBB radio reporter na si Luisito Santos nitong Hunyo 16, kaugnay ng ulat na mahigit 97 tambay at lumabag sa mga ordinansa ang naaresto sa operasyon ng Manila Police District (MPD) sa Parola Compound sa Tondo.

Nanindigan naman si Supt. Erwin Margarejo, tagapagsalita ng MPD, na ang operasyon para sa kampanyang anti-tambay ng pulisya ay para sa mga lumalabag sa iba’t ibang ordinansa ng lungsod.

Kabilang sa ipinagbabawal ang pag-iinuman sa kalye, pag-ihi, at paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, paglabas ng bahay ng walang damit pang-itaas, at mga pakalat-kalat na mga menor de edad sa oras ng curfew.

Kaugnay nito, inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na may kabuuang 7,291 na lumabag sa iba’t ibang lokal na ordinansa ang nahuli sa Metro Manila nitong Hunyo 13-20.

Dahil sa malaking bilang ng mga naaaresto kada araw, problema naman ngayon ng NCRPO ang siksikang kulungan sa mga presinto sa Metro Manila.

Ayon kay NCRPO director, Chief Supt. Guillermo Eleazar, ipinag-utos na niya sa mga district director ang paghahanap ng paraan kung paano masosolusyunan ang siksikang selda at iba pang problema.

-MARTIN A. SADONGDONG