SA pagdating sa bansa ng daan-daang tonelada ng bigas na inangkat natin sa Vietnam, tumibay ang aking paniniwala na natamo na ng naturang bansa ang tinatawag na rice self-sufficiency; ito ay maituturing na ngayong isang rice exporting country (bansang nagluluwas ng bigas) mula sa pagiging isang rice importing country (umaangkat ng bigas).
Dahil dito, hindi maiiwasang tayo ay mangimbulo o mainggit sa Vietnam at sa iba pang bansa na tulad ng Thailand, Indonesia, Cambodia na kilala rin bilang rice producing country. Sa pagsisikap ng kani-kanilang mga magsasaka, sapat ang inaani nilang bigas para sa pangangailangan ng mga mamamayan.
Isipin na ang agriculturists ng naturang mga bansa ay natuto lamang ng makabuluhang paraan ng pagsasaka sa ating mga agri-schools tulad ng University of the Philippines – Los Baños at CLSU. Pagkatapos, sila pa ngayon ang tumutustos sa kakulangan natin sa bigas. Hindi ba isa itong malaking kabalintunaan? Kailangan kaya na tayo naman ang magpaturo sa kanila ng mga makabagong paraan ng pagsasaka tungo sa pagkakaroon ng sapat na pagkain?
Dahil din dito, naniniwala ako na kailangan pa ang ibayong pagsisikap at mga estratehiya upang matamo ang inaasam nating rice self-sufficiency. Mismong si Pangulong Duterte, sa isang okasyon, ang tahasang nagpahiwatig na hindi natin mararating ang naturang adhikain sa malapit na hinaharap. Mistulang pagpapasinungaling ito sa paniniyak ng pamunuan ng Department of Agriculture (DA) na tila abot-kamay na lamang ang pagkakaroon natin ng sapat na pagkain.
Gusto kong maniwala na ang pahayag ng Pangulo ay nakaangkla sa pangangalandakan ng nakaraang administrasyon hinggil sa pagkakaroon ng sapat na ani. Sa pamamagitan ng DA ng Aquino administrasyon, pinaglaanan ng katakut-takot na pondo ang programa sa agriculture; lalong umilap ang hinahangad na rice self-sufficiency hanggang sa tuluyan itong maglaho pagkatapos ng panunungkulan ng naturang administrasyon.
Gusto ko ring maniwala na nais tularan ni Pangulong Duterte ang mga pamamaraan ng pagsasaka noong rehimeng Marcos. Katunayan, hindi miminsang tinukoy ng Pangulo ang tangyag noon na pagtatanim ng palay – ang Masagana 99 na naging susi sa pagiging rice importing country ng Pilipinas. Totoo na ang naturang sinaunang sistema ay maaaring hindi na angkop ngayon dahil nga sa pag-iral ng makabagong teknolohiya ng pagsasaka.
Gayunman, marapat na pag-ibayuhin ngayon ng mga kinauukulan ang pagbubunsod ng makatuturang estratehiya sa pagsasaka; higit pa sa mga natutuhan ng Vietnam at iba pang bansa sa ating mga agri-schools. Baka sakaling marating natin ang hinahangad na rice self-sufficiency sa malapit na hinaharap.
-Celo Lagmay