Arestado ang dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ang kasama nito matapos masamsaman ng mahigit P100,000 halaga ng umano’y shabu sa buy-bust operation sa Quezon City, iniulat kahapon.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director, Police Chief Supt. Joselito T. Esquivel, Jr. ang mga suspek na sina Ebrahim Usman y Datukan, alyas EBS, 37, dating tauhan ng MILF; at Kable Mamap y Kemda, alyas Castro, 28, kapwa tubong Cotabato City at naninirahan sa Luzon Avenue, Barangay Old Balara, sa Quezon City.

Sa report ni Police Supt. Joel A. Villanueva, kumagat sina EBS at Castro sa buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Batasan Police, sa pamumuno ni Police Chief Insp. Sandie Caparroso, sa isang grocery store sa Commonwealth Avenue, Bgy. Old Balara, bandang 5:15 ng hapon kamakalawa.

Nakumpiska ang 25 gramo ng umano’y shabu, na nagkakahalaga ng P125,000; P49,000 boodle money; P1,000 cash; at 5 pakete ng umano’y shabu.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Batasan Police-Station 6 at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-Jun Fabon