Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang babae makaraang masagasaan at makaladkad ng tren ng Philippine National Railways (PNR) sa San Andres Bukid, sa Maynila, kahapon ng umaga.

Hindi na halos makilala ang biktima, na inilarawang nasa edad 16, nakasuot ng gray na T-shirt at dilaw na shorts, dahil sa tindi ng pinsala sa mukha at katawan.

Sa ulat ni PO2 Rey Rabut, ng Manila Police District (MPD), naganap ang aksidente sa Perlita Street, sa San Andres, bandang 6:00 ng umaga.

Ayon sa ilang saksi, tila wala sa katinuan ang biktima nang tumawid sa riles habang papadaan na ang tren at kahit ilang ulit umano nila itong tinawag at pinigilang tumawid ay hindi sila nito napansin kaya tuluyang nasagasaan at nakaladkad ng tren ng mula 15 hanggang 20 metro.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang pulisya sa barangay na nakasasakop sa pinangyarihan ng aksidente, upang makapangalap ng karagdagang impormasyon sa pagkakakilanlan ng biktima.

Patuloy ang imbestigasyon sa nangyari.

-Mary Ann Santiago