PINATULOG sa loob ng tatlong rounds ng walang talong si super flyweight Kevin Jake Cataraja ang pipitsuging Indonesian na si Frenky Rohi na isinabak sa kanya sa harap ng mga kababayan sa Tabuelan, Cebu sa “Idol 3” card ng ALA Promotions at ABS CBN kamakalawa ng gabi.

Galing sa limang sunod na pagkatalo, bumagsak agad si Rohi sa unang yugto ng sagupaan ngunit nakarekober kaya umabot sa 3rdround kung saan tinamaan ang Indonesian ng left cross sa panga at bumagsak.

Bagama’t nakabangon si Rohi, nagpasiya si referee Romar Embodo na itigil ang laban eksaktong 2:44 ang natitira sa 3rd round round upang ibigay kay Cataraja ang ikawalong sunod na panalo, pito sa pamamagitan ng knockouts.

Sa undercards ng laban, napabagsak sa 7th round ni super bantamweight Virgel Vitor upang magwagi via 10-round unanimous decision laban sa beteranong si Gerpaul Valero para mapaganda ang kanyang rekord sa 13 panalo, isang talo na may pitong pagwawagi sa knockouts.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Napaganda rin ng walang talong si light flyweight Christian Bacolod ang kanyang rekord sa perpektong siyam na panalo, pitong sa pamamagitan ng knockouts, nang hindi na kumasa si Mervin Lulu sa 2nd round ng kanilang laban. Nanatiling walang talo si flyweight prospect Esneth Domingo nang mapatigil niya sa 1st round si Ryan Makiputin para mapaganda ang kanyang rekord sa perpektong 10 panalo, anim sa pamamagitan ng knockouts.

-Gilbert Espeña