Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nadi-detect at nafi-filter na ng Unified 911 ang Artificial Intelligence (AI)-generated at automated prank calls upang mas mapagtibay ang emergency response ng pamahalaan.
Saad sa pahayag ng DILG nitong Martes, Marso 17, sa pamamagitan ng upgrade na ito, mas mapagtutuonang pansin na ng operators at responders ang mga tumatawag na totoong nangangailangan ng agarang tulong.
“May nakarating sa akin na nag-report na AI-generated. Ngayon sa Unified 911 with our modernized system, nafi-filter natin ‘yang mga robo-calls at AI-generated,” ani Emergency 911 National Office Executive Director Francis Fajardo.
Ibinahagi rin ni Fajardo na bagama’t nagkaroon ng 98.3% pagbaba ng prank at abandoned calls simula ng unang ilunsad ang Unified 911 noong Setyembre 2025, ang mga kahina-hinala o non-emergency na mga tawag ay nakakapagdulot pa rin ng delay sa tulong na dapat inilalaan sa mga totoong nasa panganib o sakuna.
Upang maprotektahan ang kapasidad ng hotline, nata-track na ng Unified 911 system ang mga numerong paulit-ulit na ginagamit sa kahina-hinala o non-emergency calls.
Ang mga numerong ito na kinakikitaan ng pattern ng prank reporting ay awtomatikong inilalagay sa “lower priority.”
Kaya panawagan ng DILG sa publiko, iwasang tumawag sa 911 hotline kung hindi totoong emergency ang pakay dahil posible nang hindi agad masagot ang tawag sa totoong oras ng pangangailangan.
“Iwasan na po natin tumawag kung hindi naman emergency. By the time na kayo na ang mangailangan ng tulong, baka hindi kayo agad masagot,” panawagan ni Fajardo.