Sisibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga bagong halal na barangay chairman na magpapabaya sa kanilang trabaho.

Ito ang banta ng Pangulo kasunod ng pagpapanumpa niya sa tungkulin sa mahigit 4,000 bagong halal na kapitan ng barangay sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), na isinagawa sa Sta. Rosa, Laguna, nitong Huwebes.

Binalaan ng Punong Ehekutibo ang mga bagong kapitan na panatilihing ligtas at malinis ang kanilang lugar upang hindi sila matanggal sa serbisyo.

Aniya, kapag napatunayan niyang nagpabaya ang sinumang barangay chairman at naging talamak pa ang ilegal na droga at dumami ang naitatalang krimen sa kanilang lugar ay siguradong masususpinde o tuluyang tatanggalin sa tungkulin ang mga ito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“’Pag ang barangay ninyo palaging lumalabas sa intelligence community na maraming transaksiyon na droga, ibig sabihin hindi kayo gumagalaw. I will give you a chance. Ang pinaka is gross neglect of duty and I can either suspend you or dismiss you outright,” ani Duterte.

Umaasa rin ang Pangulo na hindi mamasamain ng mga barangay chairman ang kanyang banta dahil ginagawa lamang niya ang kanyang trabaho

-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS