PORMAL nang ini-launch ang bagong movie project ni James Reid na may titulong Pedro Penduko: The Legend Begins, na unang proyekto ng Epik Universe sa collaboration ng Cignal at Viva, sa Cignal Experience Center sa Mandaluyong City, nitong Huwebes ng gabi.

Sa Agosto ay sisimulan na ni James ang shooting ng Pedro Penduko: The Legend Begins, na aabot sa P100 milyon ang budget, at plano itong ipalabas sa 2019, Black Saturday. Naniniwala kasi si Viva boss, Vic del Rosario, na masuwerte ang nasabing araw.

Siyempre, ang girlfriend ni James ang kanyang leading lady; si Nadine Lustre bilang si Maria Makiling.

Ang direktor ng multi-million movie project ni James ay si Treb Monteras, na direktor din ng pelikulang Respeto ni Abra. Humakot ng awards ang Respeto sa 2017 Metro Manila Film Festival, at nanalo pa nga si Abra ng Gawad Urian Best Actor nitong Huwebes ng gabi.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Inamin naman ni Direk Treb na hindi pa buo ang cast ng pelikula. “Sina James at Nadine palang, we’re still casting,” aniya.

Kuwento naman ng produer na si Vincent del Rosario, mahigit 50 iba-ibang karakter ang Epik Universe o Engkantos, at nangunguna nga sina Pedro Penduko, Maria Makiling, Bernardo Carpio, at Republika.

May multi-platform din ang Epik Universe, dahil kasama rito ang mediums sa pelikula, TV at graphic novels.

“Kasama rin sa mandate ng Epik, i-revive ‘yung mga classic ng Viva, gawing makabago. Kaya nandoon yung Bad Boy ni Robin (Padilla) gagawing modern,” kuwento naman ni Vincent.

Samantala, kinumusta naman si James ng entertainment media sa nakaraang bakasyon nila ni Nadine sa Amerika, na ayon sa kanya ay sobrang nag-enjoy silang dalawa.

Isine-share naman ni Nadine sa kanyang Instagram account ang mga litratong magkasama sila ni James, at higit sa lahat ay ang mga sexy photo nila.

Kaya ang tanong sa aktor ay kung okay lang sa kanya ang sexy photos ni Nadine na nakikita ng lahat.

“She’s comfortable with her own body, eh,” saad ng aktor.

Mabilis namang inalmahan ni James ang tsikang nag-propose na siya kay Nadine. “No!” sagot niya.

Pero sa tanong kung live-in na sila ay matagal bago sumagot ang aktor, “I think? Yeah, I think everybody knows.”

Sumabad kaagad ang handler ng aktor at sinabing patay na ang nasabing isyu, kaya ang ibig sabihin ay huwag nang pag-usapan pa.

At may nagsabi ring tungkol na lang muna sa Pedro Penduko ang pag-usapan, at sinang-ayunan naman ito ng aktor.

Malaking proyekto ang Pedro Penduko kaya natanong si James kung ano ang masasabi niya rito.

“It’s really a huge honor to be playing Pedro Penduko, which is a Filipino superhero. It’s just not a superhero movie, it has social relevance,” sabi ni James.

Nabanggit din ng aktor na masaya ang girlfriend niyang si Nadine sa pagganap bilang si Maria Makiling.

“She always wanted to be in an action role and I think it’s perfect for her. Nadine is sexy so she’d be able to show it off in Maria Makiling,” sabi pa ni James.

-Reggee Bonoan