KUNG bakit hindi maubos-ubos ang shabu at iba pang ilegal na droga na tulad ng marijuana at cocaine, gusto kong maniwala na hindi pa rin masagkaan ng awtoridad ang pagpasok sa bansa ng naturang mga ipinagbabawal na droga; sinasabing ang mga ito’y nagmumula sa ating Asian neighbors. Talaga kayang ayaw lipulin ang drug smuggling na isinasagawa sa mga pantalan at sa iba pang port of entry na tulad ng Bureau of Customs (BoC)?
Isipin na lamang na halos araw-araw ay may nasasabat na malaking kantidad ng shabu na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso. Sa isang bahay sa Sta. Ana, Maynila, halimbawa, 24 na kilo na bawal na droga na nagkakahalaga ng P163 milyon ang nakumpiska ng mga alagad ng batas. Hindi maiaalis na itanong: Ito kaya ay bahagi ng 630 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.3 bilyon na naipuslit sa BoC kamakailan?
Sa ganitong nakadidismayang sitwasyon, gusto kong maniwala na hindi ganap na mapupuksa -- baka lalo pang tumindi -- ang talamak na problema sa illegal drugs. At ang mga users, pushers at drug lords ay patuloy na maglilipana at magpipista, wika nga, sa paghithit ng nakalalasong gamot; isa ring pangamba na ang naturang mga sugapa sa droga ay maghahasik ng panganib sa mga komunidad sa kabila ng katotohanan na halos araw-araw ay may napapatay kaugnay ng Oplan Tokhang. Walang pinaliligtas ang mga law enforcers, lalo na kung nanlalaban ang dinadakip nilang mga lulong sa droga.
Totoong walang humpay ang Duterte administration sa pagsugpo ng illegal drugs -- isang kasumpa-sumpang problema na hindi man lamang napag-ukulan ng seryosong atensiyon ng nakalipas na mga administrasyon. Katunayan, pati ang mahigit 42,000 barangay chairman sa buong kapuluan ay pinahihintulutang magdala ng baril upang maging katuwang sa paglipol ng kriminalidad at mga katiwalian.
Totoo rin na ang gobyerno, sa pamamagitan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ay determinado na lumikha, kahit paano, ng hinahangad nating lahat: Drug-free Philippines. Dahil dito, hindi marahil kalabisang hilingin sa naturang ahensiya ang pagtugis sa mga drug smugglers at manufacturers. Naniniwala ako na hindi lingid sa kanilang kaalaman ang gayong drug operations. Dangan nga lamang at mangilan-ngilan lang ang kanilang mga tauhan, lalo na kung ihahambing sa libu-libong miyembro ng PNP at AFP.
Sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap o collective effort, matutultulan nila ang mga laboratoryo ng mga droga na ang ilan ay matatagpuan sa karagatan, sa mga liblib na lugar sa bansa. Hindi malabo na ang mga pantalan sa libu-libong isla ng bansa ay ginagawang daungan ng illegal drugs at iba pang kontrabando.
Maliwanag na ito ang dahilan kung bakit hindi maubos-ubos ang ipinagbabawal na gamot.
-Celo Lagmay