NOONG kabataan ko, sa mga komiks lamang namin nakikita at nababasa ang mga gadget na kinalolokohan ng mga tao sa ngayon, dahil ang mga ito ay kasama sa kuwento o nobela na bunga lamang ng makulay na imahinasyon ng may akda nito.
Ang paborito kong character sa komiks, si Detective Dick Tracy ay sumikat dahil sa kakaibang gadget niya -- ang relos niya na mistulang walkie-talkie o cellphone, na may mini-screen na animo TV. Ni sa hinagap ay ‘di ko naisip noon, na darating ang araw na gagamit rin ako ng relos na katulad ng gadget ni Detective Tracy!
Sa komiks noon, mga bida ang gumagamit ng mga gadget upang maaresto ang kalaban nilang masasamang loob – na malaking kabaligtaran naman sa nangyayari sa kasalukuyan. Ngayon kasi, pinahihirapan ng mga kriminal ang mga pulis sa paggawa ng mga krimen na ang kasangkapan ay mga modern gadget -- gaya ng cellphone, tablet, computer at laptop na kinalolokohan din naman ng mamamayan.
At dahil sa pagkahumaling ng mamamayan sa mga gadget, halos ang lahat ng bagay sa kanilang buhay – pera, pagkain, pamimili, pagbiyahe, pati na rin ang sa kalusugan – ay sa mga gadget na lahat nakasalalay!
At ito ang sinasamantala ng mga kriminal at manggagantso na nagpaka-dalubhasa na rin sa paghawak at paggamit ng mga gadget – at ang tawag sa mga krimeng ito ay CYBER CRIMES. Ang mga pulis naman na nagmo-monitor sa krimeng ito ay ang Anti-Cybercrime Group (ACG) ng Philippine National Police (PNP) -- mga imbestigador na nagpaka-dalubhasa sa pagkalikot at pagbutingting ng “microscopic electronic parts” ng mga gadget.
Ang ACG ay itinatag dahil sa reklamo ng mga kababayan nating nagantso ng mga taong ‘di pa nila nakikita dahil sa CYBERSPACE lamang nila ito nakilala. Yun lang, naisahan agad sila na makuhanan ng malalaking halaga. Sa pamamagitan lamang ng “matatamis na pananalita” sa pagpapalitan nila ng email sa Internet. Di pa nga kasama sa bilang na ito ‘yong mga malalaking kumpanya na “nahihiyang” i-report na naging biktima sila ng mga CYBER CRIMINALS.
Mabilis ang paglobo ng mga nabibiktima ng mga CYBER CRIMINALS dahil lumalawak na rin ang “playing field” ng mga ito, mula sa “individual victims” ay naging “corporate” at sinagasa na rin nila pati ang mga malalaking kumpanya, gaya ng “banking community” at iba pang “financial institution” na ang buong operasyon ay nakasalalay na sa INTERNET. Bilyun-bilyon ang nahahakot ng mga CYBER CRIMINALS mula sa mga malalaking bangko na nananatiling tahimik dahil ayaw maiskandalo.
May nabasa akong report hinggil sa CYBER CRIMES na ang biktima ay mga bangko, indibidwal, at ilang “pera –padala” outlet na ang suspek ay mga Nigerian national na may malaking komunidad na sa Katimugang bahagi ng Metro Manila. Mahaba ang listahan at identified na ang mga banyagang ito, ngunit kataka-takang hindi sila mabira ng mga operatiba ng PNP, National Bureau of Investigation (NBI), at Bureau of Immigration (BI).
May narinig akong kuwento hinggil sa Nigerian na dinamba ng mga private investigator ng isang malaking bangko. Ipinasa at nai-detain naman agad sa NBI. Ang problema ay may pagka-Houdini pala ang banyagang ito kaya kahit nakakulong na ay nakapag-operate pa rin at naka-withdraw ng malaking halaga mula sa bank account ng kanyang biktima. Oh ‘di ba, may nakisakay agad na operatiba at tumikim ng lasa ng “cybermoney”?
At ito ang nakaiiyak dito -- ang operatiba ng ACG ay abot sa 150 lamang na naka-assign sa limang “strategic field units” na nakakalat sa mga rehiyon sa bansa! Idagdag pa natin dito ang mga batas na humaharang sa “Cybercrime investigation” upang protektahan ang mga negosyante lalo na sa “banking industry”.
Kaya ‘di kataka-takang ang nalulutas na mga kaso ay halos 10 porsiyento lamang kahit kayod-marino ang mga operatiba ng ACG. Ang maganda rito ay marami silang natututunan sa larangan ng pag-iimbestiga ng mga CYBER CRIMES.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.