Magpapatuloy ngayong linggo ang halos walang tigil na pag-uulan na dulot ng hanging habagat na nakaaapekto pa rin sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahan ang madalas na pag-uulan sa Bataan, Zambales, Pangasinan, Benguet, Ilocos Norte, at Ilocos Sur, na maaaring magdulot ng baha sa mabababang lugar o pagguho ng lupa sa mga bulubunduking lugar.

Patuloy ang manaka-nakang pag-ulan sa iba pang bahagi ng kanlurang Luzon, kabilang ang Metro Manila at kanlurang Visayas, habang bandang hapon naman ang posibilidad ng ulan sa iba pang bahagi ng Luzon at Visayas at buong Mindanao.

Nakataas din ang gale warning, o paglaki ng alon, sa katimugang baybayin ng Ilocos Norte, llocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Batangas, at Palawan.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Batay naman sa huling report ng National Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) habang isinusulat ang balitang ito, umiiral pa rin ang heavy rainfall warning sa Metro Manila, Rizal, Cavite at Bataan.

Ayon sa PAGASA, sa nakalipas na apat na araw ay katumbas na ng mahigit kalahating buwang ulan ang bumuhos sa Metro Manila kaya binaha ang ilang bahagi ng National Capital Region.

Napaulat na inihayag ng PAGASA na posibleng tumagal pa hanggang Huwebes ang pag-uulan sa bansa

-ELLALYN DE VERA-RUIZ at FER TABOY