WASHINGTON (AP) — Naghain ng bill ang US lawmakers nitong Martes (Miyerkules sa Manila) para ideklarang krimen ang paggamit o pagbebenta ng performance-enhancing drugs sa international sports events.
Ipinangalan ang naturang House bill kay Grigory Rodchenkov, ang Russian lab director na nagsiwalat sa malawakang state-run doping sa Sochi Olympics.
May kaakibat na multang US$250,000 para sa individual at pagkakulong ng hanggang 10 taon ang parusang itatakda sa mapapatunayang gumamit at nagpakalat ng ilegal na ‘substances’ sa international events, kabilang ang Olympics.
Saklaw ng naturang House bill ang US at foreign athletes na makikibahagi sa torneo na nilalahukan ng apat o higit pang American athletes, maging ang torneo ay sa labas ng Amerika.
Ibinida sa panukalang batas ang malaking ambag ng US sa World Anti-Doping Agency, sapat para patunayan na may kapangyarihan ito kahit sa mga torneo sa labas ng bansa.
May mga katulad na ring batas na ipinatutupad sa Germany, Italy at Kenya.