SA rami na ng naging concerts, shows sa Pilipinas at sa ibang bansa ni KZ Tandingan ay nakagugulat malamang kinakabahan pa rin siya tuwing nagtatanghal, at ayaw daw niyang makampante.

9

Kaya sa mediacon ni KZ para sa nalalapit niyang concert, ang Supreme KZ Tandingan na gaganapin sa MOA Arena sa Hunyo 22, Biyernes, ay tinanong namin kung bakit ganito pa rin ang nararamdaman niya.

“Oo naman po, lagi naman akong may kaba kapag may show ako,” sabi ng dalaga.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Biro namin sa kanya, sisiw na lang sa kanya ang mag-concert. “Uy, hindi ha,” natawang sabi ni KZ.

May bagong mapapanood kay KZ sa concert niya, na ayaw niyang sabihin kung ano. Pero first time raw niyang kakanta ng jazz.

“Ito po yata ‘yung pinakamahirap kong gagawin, dahil sa arrangement, at kailangan n’yo pong abangan,” say ni KZ. “Wala kaming areglo na simple, kaya iyon ang dapat abangan ng tao, kung paano namin binali lahat ng kanta.”

Isa sa special guests ni KZ ang boyfriend niyang si TJ Monterde, na isa ring sikat na singer. Talagang pinilit daw ng dalaga na mag-guest sa concert niya ang nobyo dahil first time itong mangyayari. Hindi kasi talaga pumapayag si TJ.

“Sabi ko, milestone ito sa career ko at it would be my honor if you allow me to sing on stage. Hayun, nakonsensiya siguro kaya pumayag,” kuwento ng dalaga.

READY SA WEDDING PROPOSAL

Natanong kung may plano na silang magpakasal na dalawa, dahil halos lahat ng female singers ng Cornerstone Talent Management ay may mga asawa na. Ang latest nga ay si Moira de la Torre, na magpapakasal na rin.

“We will get there in time. Pero I think you should marry when you’re ready,”say ni KZ.

Tatanggapin ba niya kung sakaling mag-propose na rin si TJ sa kanya sa mismong concert niya?

“Siguro!” mabilis na sagot ni KZ. “Bakit ko naman hihindian kung nandoon na, baka magbago pa ang isip!”

Nabanggit din ng tinaguriang Supreme na hindi raw siya nakikipag-unahang magpakasal sa mga ate niya sa Cornerstone, dahil alam niyang may tamang panahon para sa kanya at malalaman naman na handa na siya kapag dumating na.

“Almost five years na kami. He courted me for a year, almost four years na kaming magdyowa. Sobrang thankful ako, he’s very understanding.

“Alam niya kasi, right now, priority namin ang aming mga careers. Kasi nga pareho kaming dalawa, we’re just starting. Gusto naming i-build-up muna nang i-build ‘yung careers namin.

“Sobrang understanding niya na minsan ‘di ko na naiintindihan, feeling ko baka nagtatampo na siya na we don’t talk enough,” kuwento ng dalaga tungkol kay TJ.

Lalo na raw noong nakipag-compete si KZ sa Singer 2018 sa China. “When I was in China kasi, walang social media, ‘tapos nagtatapos kami mag-meeting alas-tres na ng umaga.

“Minsan nagpe-Facetime kami, nagbi-video call kami. Nakakatulugan ko siya, ni hindi man lang ako nakakapag-babay. Pero sobrang naging understanding siya sa whole journey na ‘yun, never niyang ipinaramdam sa akin na nagkulang ako sa kanya as a partner. And I’m really thankful,” papuri pa niya sa boyfriend.

MUKHA NASA CP COVER

Speaking of Singer 2018, malaki ang nagawa nito sa buhay ni KZ dahil mas lalo siyang nakilala sa buong Asya, at maging sa mga bansang hindi sakop ng Asya. Sa katunayan, may mga cell phone covers na ibinebenta sa China na mayroong picture niya.

“Nakakatawa nga, nakaka-proud. Sana nakakabenta naman sila. Ha, ha, ha. Sana talaga nakakatulong sa benta nila ‘yung pagmumukha ko,” natawang sabi ng dalaga.

Hirit namin kung humingi ba siya ng royalty dahil mukha niya ang ginamit. “Hindi na, buti nga ginamit nila mukha ko. Ha, ha, ha,” natawang sabi ng dalagang singer.

Nabanggit pa ni KZ na sinabi sa kanya ng producer ng Singer 2018 na maraming magagaling na singers sa Pilipinas na puwedeng gawan ng solo show.

“Kasi napanood nila during the audition ‘yung mga singer na nag-audition,”saad ni KZ. “Kasi ‘yung mga tao sa China parang sa Philippines din, sabik silang makarinig din ng iba (singers), pero ‘yung heart nila mas malapit pa rin sa ballad.”

COLLABORATION KAY JESSIE J

Natanong din kay KZ ang sinabi ni Jessie J (nanalong Singer 2018) na gusto nitong mag-collaborate sila.

“Siyempre ‘pag mga ganu’n hindi dapat bino-brought up baka isipin niya, ‘user ‘tong batang ‘to’. Siyempre friendship-friendship lang muna. ‘Pag sinabi niyang go, fly na ako nandoon na ako kaagad,” masayang sabi ng dalaga.

Tinanong namin kung alam ni Jessie J na may concert siya. “Oo, ang kapal nga ng mukha ko, sinend ko pa ‘yung poster ko sa kanya. Hoping na baka i-promote ni bakla. Ha, ha, ha! In-invite ko, pero huwag na tayong umasa.”

Si Jessie J ba ang sinasabing surprise guest.

“Naku, ‘wag na nating pag-usapan ‘yan. Huwag umasa, may commitment yata,” sagot niya.

May nagbiro na puwedeng sina Jessie J at Coco Lee ang guests ni KZ sa concert niya.

“Jessie and Coco, puwede ‘pag wala silang taping ng Ang Probinsyano. Ha, ha, ha. Jessy Mendiola at Coco Martin pala,” biro ni KZ.

Guests ni KZ sa Supreme concert niya sina Kyla Alvarez, Gloc 9, Daryl Ong, Jason Dy, Iñigo Pascual, at Moira de la Torre, directed by Mr. Johnny Manahan.

-REGGEE BONOAN