IKA-11 ngayon ng Hunyo, bisperas ng Araw ng Kasarinlan ng iniibig nating Pilipinas. Sa mga Rizalenyo, natatangi, mahalaga at makabuluhan ang Hunyo 11 sapagkat ito ay pagdiriwang ng ika-117 Anibersaryo ng ARAW NG LALAWIGAN NG RIZAL. Pulang araw o non-working holiday sa Rizal upang mabigyan at magkaroon ng pagkakataon na makalahok ang mga Rizalenyo sa mga gawaing kaugnay ng pagdiriwang.
Ang selebrasyon ng Araw ng Lalawigan ng Rizal ay pangungunahan nina Rizal Governor Nini Ynares, Vice Governor Jun Rey San Juan at ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at ng mga empleyado ng Rizal Provincial Capitol.
Sa layuning patuloy na lumawak at tumibay ang kamalayan at malasakit ng mga taga-Rizal sa pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan, tampok na bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng Lalawigan ng Rizal ang municipal wide na clean up drive o paglilinis at pagtatanim ng mga puno sa 13 bayan at isang lungsod sa Rizal. Sa bawat bayan ay may itinakda o piniling lugar at barangay upang doon gawin ang paglilinis at ang pagtatanim ng mga puno.
Sa Antipolo City, ang Hinulugang Taktak ang napiling linisin. Sa Angono, napiling lugar na linisin ay ang bahagi ng Manila East Road sa Barangay San Isidro at Bgy. San Roque. Sa Baras, ang bahagi ng national road sa kabayanan ang napiling gawin ang paglilinis. Sa Binangonan, ayon kay Mayor Cesar Ynares, isang maikling programa ang gagawin sa harap ng munisipyo. Kasunod nito ang paglilinis mula sa tapat ng munisipyo hanggang sa tapat ng Margarito Duavit Memorial Hospital sa Bgy. Darangan. Paglilinis din ng kalye ang gagawin sa Cainta at Cardona.
Ang pagtatanim naman ng mga puno at paglilinis ang ilulunsad sa Taytay, Tanay, Rodriguez, Morong at Jalajala. Ang paglilinis at pagtatanim ng mga puno sa Jalajala ay gagawin sa paligid ng public market sa Bgy. Third District. Ang ilog naman sa bayan ng Teresa at Pililla ang lilinisin kasama ang Bgy. Imatong.
Ayon sa kasaysayan, ang lalawigan ng Rizal mula pa noong 1853 hanggang 1901, ay kilala sa tawag na Distrito Politica Militar de Morong (Morong District). Pinalitan ng RIZAL (hango sa pangalan ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal) noong Hunyo 11, 1901 sa bisa ng Act No. 137 ng Philippine Commission. Ang pangalang Rizal ay sa mungkahi ni Dr. Trinidad Pardo de Tavera, isang makabayan, scholar at naging direktor ng National Library. Kaibigan siya nina Jose Rizal, Don Juan Sumulong at Epifanio de los Santos. Ang unang gobernador ng Rizal ay si Ambrosio Flores.
Nang matatag ang lalawigan ng Rizal, binubuo ito ng 33 bayan. Nang lumaon ay naging 26. Ngunit noong Nobyembre 7, 1975, sa bisa ng Presidential Proclamation No.824 na nilagdaan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, naagaw ang 12 malalaki at mauunlad na bayan sa Rizal at isinama sa Metro Manila upang maging gobernadora ang dating First Lady na si Imelda Romualdez Marcos., na ngayo’y congresswoman sa Ilocos Norte.
Bunga nito, naghirap ang dating maunlad na lalawigan ng. Nawala ang pagiging premiere province ng Pilipinas. Ngunit hindi nasiraan ng loob ang sumunod na namuno sa Rizal.S a pangnnguna nina dating Rizal Governor Casimiro “Ito” Ynares, Jr. Rizal Congressmen Bibit Duavit, Ding Tanjuatco, ng Sanggunian Panlalawigan at ng iba’t ibang sektor ng lipunan, nagtulung-tulong silang maibangon ang Rizal para sa kabutihan ng susunod na henerasyon.
At upang mabigyan ng pagpapahalaga ang kasaysayan ng Rizal, isang Resolution ang pinagtibay ng Sanggunian Panlalawigan na nilagdaan ni Gob Casimiro “Ito”Ynares, Jr. Hiniling sa Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas na ang HUNYO 11 ay ipahayag na ARAW NG LALAWIGAN NG RIZAL. Ang mga author ng Resolution ay sina Rizal board member Ver Esguerra (naging provincial administrator) at Benjamin Santos.
Sa pamamagitan ng Presidential Proclamation No.702 ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong Nobyembre 28, 1995, ipinahayag ni FVR na mula 1996 ay ipagdiriwang ang ARAW NG LALAWIGAN NG RIZAL.
Ang unang babaeng gobernador ng Rizal ay ang kasalukuyang punong lalawigan na si Gob Nini Ynares. Sa kanyang pamamahala, ang lalawigan ng Rizal ay magkasunod na taon na kinilala bilang “Most Competitive Province of the Philippines”. Ang una ay noong 2016 at ang ikalawa ay noong Agosto 17, 2017. Ang pagkilala ay ipinagkaloob ng National Competitiveness Council at ng Department of Trade (DTI) sa 5th Regional Competitiveness Summit sa Philippine International Convention Center (PICC). Ang pagkilala ay tinanggap ni Rizal Gab Nini Ynares. Sa kasaysayan ng Rebolusyon, lahat ng mga plano sa Himagsikan ni Andres Bonifacio ay sa Rizal ginawa. Sa kuweba ng Pamitinan sa Montalban (Rodriguez na ngayon) at kasamang lumaban ni Bonifacio ang mga rebolusyonaryong taga-Rizal.
-Clemen Bautista