Mananatili sa gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang kaalyado sa politika na si Jose Gabriel “Pompee” La Viña kasunod ng desisyon niyang ilipat ito sa ibang departamento.
Itinalaga ng Pangulo si La Viña bilang undersecretary ng Department of Agriculture (DA) matapos ang sandaling pagsisilbi bilang undersecretary ng Department of Tourism (DoT).
Pupunan ni La Viña ang binakanteng puwesto ni Bernadette Romulo-Puyat, na kamakailan ay itinalagang Tourism Secretary. Ang kanyang appointment paper ay nilagdaan ng Pangulo nitong Miyerkules at inilabas ng Palasyo kahapon.
Itinalagang Tourism undersecretary si La Vina nito lamang Abril ngunit naaapektuhan ng reorganisasyon na ipinatupad ni Romulo- Puyat sa departamento.
Ipinagtanggol ng Malacañang ang bagong reappointment ni La Viña.
“Appointment is a presidential prerogative. As far as Pompee La Viña is concerned, nasa Presidente na ‘yan,” sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa press briefing sa Palasyo.
-Genalyn D. Kabiling