Nahingan ng saloobin ang direktor na si Joel Lamangan tungkol sa pinag-usapang mga akusasyon ni Rod Navarro, Jr. laban sa direktor at lead star ng ABS-CBN action series na "FPJ's Batang Quiapo" na si Coco Martin.
Nagtapos na ang nabanggit na serye makalipas ang tatlong taon, nitong Biyernes, Marso 13.
Kinagiliwan ng mga netizen ang naging pagganap ni Direk Joel sa nabanggit na serye bilang si "Roda."
Sa isang media conference para sa pelikulang "All About Her" noong Marso 12, 2026 na ginanap sa isang restaurant sa Quezon City, inalala ni Direk Joel kung paano siya napapayag na umarte sa serye.
Aniya, kinausap daw siyang personal ni Direk Coco, at unang dahilan daw, malaki raw ang talent fee na inialok sa kaniya, bukod pa sa tatlong araw lang ang taping days na M-W-F o Mondays, Wednesdays, at Fridays.
Maliban pa rito, bet daw makatrabaho ng direktor si Coco at patunayan ang magagandang bagay na naririnig niya tungkol sa kaniya.
Akala raw niya, sandali lang ang magiging role niya pero hindi raw siya pinakawalan ni Coco dahil maganda ang feedback ng mga manonood sa karakter niya, at kung paano niya gampanan ito.
Maki-Balita: Direk Joel Lamangan, nao-overwhelm bilang si 'Roda'
Para sa mga hindi nakakaalam, bago pa maging kilalang direktor si Direk Joel, artista muna siya.
Sa katunayan, siya ang gumanap na pari sa obra maestrang "Himala" na pinagbidahan ni Superstar Nora Aunor.
Todo-puri naman si Direk Joel kay Coco bilang isang direktor. Alam daw ng huli ang ginagawa niya, at talagang may "mata" sa pagdidirehe ng serye.
Bukod sa kahusayan ni Coco, pinuri din ni Direk Joel ang pagiging mabait nito, lalo na pagdating sa pagtulong sa mga artistang kailangan ng trabaho.
Nabunyag din ni Direk Joel na hindi pala ABS-CBN ang nagbabayad sa mga artista kundi mismong si Coco bilang isa sa mga producer.
Dito ay itinanggi ni Direk Joel ang tungkol sa mga bintang ni Rod Navarro, Jr. laban kay Coco gaya ng paninigaw.
Maki-Balita: Anak ni Rod Navarro, Sr. nakatikim ng mura, banta kay Coco Martin?
“Mabait si Coco, mabait na tao. At mahusay… hindi totoo 'yong sinasabi ni Rod Navarro Jr.!" saad ni Direk Joel.
Giit ni Direk Joel, tatlong taon niyang nakatrabaho si Coco, at masasabi niyang hindi raw totoo ang mga paratang ni Rod laban sa direktor ng Batang Quiapo. Siya na nga raw ang binigyan ng trabaho, siya pa umano ang naninira, saad pa ni Direk Joel.
Kapag nakaharap pa raw niya si Rod, baka "talakan" pa raw niya ito.
"Pag nakita ko iyan, ‘Naku, hindi na kita kukuning artista! Ayaw mo pala ng sigaw nang sigaw, eh, nasigaw ako! Huwag kang mag-apply sa akin,’ sasabihin ko sa kaniya, tumigil ka!" aniya.
Anyway, hindi naman nabanggit ni Direk Joel sa nabanggit na mediacon kung anong susunod niyang acting project pagkatapos ng Batang Quiapo, o kung pasok ba siya sa bagong seryeng "Sigabo" na pagbibidahan ulit ni Coco, pero this time, katambal ang real-life partner na si Julia Montes.