NAGSIMULA na kahapon ang mga klase sa public school. Muli, naging karaniwang tanawin ang langkay ng mga batang mag-aaral na naglalakad patungo sa kanilang mga paaralan. May mga nakasakay sa tricycle. Natuwa ang mga tricycle driver at lumakas ang kanilang biyahe lalo na ang mga may service o hatid-sundong mag-aaral. Ang ibang estudyante ay inihatid naman ng sasakyan ng kanilang mga magulang. Maagang lumakad upang hindi matrapik na karaniwang nangyayari sa umaga at hapon tuwing may klase.
Ang mga papasok naman sa kinder at grade school ay sinamahan at inihatid ng kanilang mga ina sa paaralan. Ang mga guro na magtuturo ay maagang pumasok. Inayos ang lahat ng mga dapat ayusin sa loob ng classroom. Ang ayos ng mga silya at seating arrangement ng kanyang mga mag-aaral. Inayos rin ang bulletin board, na ang teacher at homeroom adviser ang gumawa at naglagay ng dekorasyon. Ayon sa report ng Department of Education (DepEd), ngayong school year 2018-2019 ay tinatayang aabot sa 27.7 milyon mag-aaral sa lahat ng level. Mula kinder hanggang Grade 12 sa mga public at private school.
Maraming lumilitaw na problema tuwing magbabalik-eskuwela o magsisimula ang mga klase. Mababanggit ang madalas na sinasabi ng mga taga-DepEd. Kulang ng mga silid-aralan. Lumobo ang enrolment ng mga mag-aaral. Kulang ang mga guro at mga school facilities at mga textbook o mga aklat. Idagdag pa ang mga late enrollees na nadaragdag sa bilang ng mga mag-aaral.
Ayon kay education undersecretary Jesus Mateo, ang kakulangan ng mga silid-aralan ang nagiging dahilan ng pagsisiksikan ng mga mag-aaral sa loob ng classroom. Batay sa data ng DepEd, may 10,401 silid-aralan ang nagawa sa pagitan ng Hulyo at Disyembre noong 2017. May 4,622 pang classroom ang under construction o ginagawa at maaaring matapos sa second quarter ng 2018. Sa oras na matapos, maaaring lumipat na ang ibang mag-aaral sa nasabing mga silid-aralan. Malulutas ang pagsisiksikan ng mga estuyante.
May ginagawang solusyon ang mga tauhan sa DepEd para sa mga nasabing problema. Sa lumobong enrolment o paglaki ng bilang ng mga mag-aaral, kabilang dito ang mga lumipat mula sa private school, at mga nag-double shifting na mga mag-aaral. Sa kakulangan ng mga textbook o aklat, ang mga subject teacher ay nagpapa-photo copy ng mga subject matter o pag-aaralan sa klase. Sariling pera ang ginagastos. May mga estudyante naman na nagkukusang sila na ang manghiram ng aklat sa library o sa kanilang kaklase at nagpapa-photo copy ng mga aralin, nang sa gayon ay makagawa ng homework.
Sa kakulangan ng mga guro, ayon sa DepEd, ngayong school year 2018-2019, ay may 75,000 mga guro ang kukunin upang magturo.
Sa DepEd Rizal, ang mga batang mag-aaral na pumasok ngayong school year 2018-2019 ay tinatayang umaabot sa 300,000 ang mga kinder, elementary, high school at senior high school ang mga mag-aaral mula sa 13 bayan sa Rizal. Palibhasa’y ang edukasyon ang isa sa prioridad ng pamahalaang panlalawigan, sa pangnguna ni Rizal Governor Nini Ynares, ang mga school building na ipinagawa nitong summer vacation ng pamahalaang panlalawigan ay nagagamit na ng mga mag-aaral. Ang DepEd Rizal ay nagpapatupad din ng double shifting kung tumaas ang bilang ng mga estudyante.
Sa DepEd Antipolo, ayon kay Dr. Rommel Bautista, ngayong school year 2018-2019, ay umaabot sa 160, 000 mag-aaral sa elementary, high school at senior high school. At dahil sa paglaki ng enrolment, ang DepEd Antipolo ay may double shifting din sa pag-aaral. Ang unang shift ay mula 6:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon. Ang ikalawang shift naman ay mula 2:00 ng hapon hanggang 6:00 ng gabi.
Ayon pa kay Dr. Rommel Bautista, kapag natapos na ang mga school building na ipinagagawa ni Antipolo City Mayor Jun Ynares, ililipat agad dito ang ibang mag-aaral upang maiwasan ang congestion sa loob ng paaralan at maging mabilis ang pagkatuto ng mga mag-aaral.
-Clemen Bautista