Pinayuhan kahapon ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones ang mga mag-aaral na huwag puro gadget ang atupagin, lalo na ngayong nagbalik-eskuwela na sila.
Sa kanyang talumpati kahapon sa Quezon City High School, umapela ang kalihim sa mga estudyante na buklatin ang kanilang mga libro at magsumikap sa kanilang pag-aaral.
Mabilis, aniya, ang pagbabago ng panahon, at para makasabay dito ay kinakailangang mag-aral at magbasa ang mga mag-aaral, nang higit pa sa itinuturo at takdang-aralin na ibinibigay ng kanilang mga guro.
Batid nito na nakatatamad na magbitbit at magbasa ng libro, ngunit dapat aniyang ugaliin ng mga estudyante na magbasa ng mga aklat para madagdagan ang kanilang kaalaman.
Maaari naman aniyang maglaan din ng oras sa paggamit ng gadget, ngunit dapat ay may sapat na panahon ang mga estudyante sa pag-aaral para sa kanilang kinabukasan.
Kaugnay nito, pinaplano na ngayon ng pamahalaan na magpatupad ng computerization program para na rin mabawasan ang mga librong binibitbit ng mga estudyante.
Gugugulan, aniya, ito ng mahigit sa P8 bilyon ng pamahalaan.
Tiniyak din ni Briones na patuloy na tinutugunan ng DepEd ang iba pang problemang kinakaharap ng mga mag-aaral tuwing pasukan.
Binanggit din ng kalihim ang kakulangan ng mga silid-aralan kaya pinag-aaralan na ng DepEd ang pagtatayo ng kabuuang 85,000 silid-aralan ngayong taon.
Una nang tinaya ng DepEd na aabot sa 27.7 milyon ang papasok ngayong SY 2018-2019.
-MARY ANN SANTIAGO