Posibleng masibak sa serbisyo ang babaeng operatiba ng Special Action Force (SAF) na naaresto makaraang maaktuhan umanong bumabatak ng droga sa Taguig City, nitong Sabado.

Ito ay matapos na kumpirmahin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar na iniimbestigahan na nila si PO3 Lynn Tubig, 38 anyos.

Paliwanag ni Eleazar, kapag napatunayan sa imbestigasyon ang direct participation ni Tubig ay matatanggal ito sa serbisyo at mababalewala lamang ang 11 taong serbisyo nito sa pulisya.

Sinabi ni Eleazar na nakipag-ugnayan na siya kay SAF Director Noli Taliño, hanggang nadiskubreng ilang buwan nang AWOL (absent without official leave) si Tubig.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Dahil sa pag-AWOL ay mahaharap ito sa kasong administratibo, bukod pa ang hiwalay na kasong grave misconduct, ayon kay Eleazar.

Sasampahan din si Tubig ng kasong kriminal, kasama ang dalawang kasama niyang naaresto sa shabu session, ang nobyong si John Vincent German, 21; at amang si Fernando German, 43 anyos.

Naaktuhan umano sa shabu session sa Kawayanan Street, Purok 6 sa Barangay Tuktukan, Taguig ang tatlo nitong Sabado.

-Martin A. Sadongdong