Binalasa ni Philippine National Police (PNP) Director General Oscar Albayalde ang 11 nitong heneral, kabilang ang tagapagsalita ng kanilang hanay.
Nauna nang tinanggal ni Albayalde si Chief Supt. John Bulalacao sa kanyang posisyon bilang spokesman ng PNP at ipinalit nito si Senior Supt. Bong Durana, Jr., na itinalaga na ring hepe ng Public Information Office (PIO).
Si Durana ay naging Special Action Force (SAF) operations officer bago inilapat bilang dating provincial director ng Aklan police.
Si Bulalacao ay inilipat sa Western Visayas upang pamunuan ang Police Regional Office 6.
Nagsimula si Bulalacao sa pagiging spokesperson ng PNP noong Enero bilang kahalili ni Chief Supt. Dionardo Carlos noong panahon ni retired PNP chief, Chief Supt. Ronald “Bato” dela Rosa.
Pumalit si Bulalacao sa naiwang puwesto ni Chief Supt. Cesar Binag, na itinalaga naman bilang bagong hepe ng Directorate for Information and Communication Technology Management (DICTM) ng PNP.
Itinalaga naman ni Albayalde si Chief Supt. Guillermo Eleazar bilang hepe ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), kapalit ni Chief Supt. Camilo Pancratius Cascolan na ipinuwesto naman bilang hepe ng Civil Security Group (CSG) ng PNP.
Bago inilipat sa NCRPO, hinawakan ni Eleazar ang Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) Police Regional Office (PRO)-4A bilang regional director sa loob ng isang buwan.
Kabilang din sa binalasa sina Police Director Federico Dulay, Jr., na inilipat sa Office of the PNP Chief mula sa dating puwesto sa PNP-Civil Security Group; Director Napoleon Taas, dating nakatalaga sa DICTM at inilipat sa Office of the Chief PNP; Chief Supt. Edward Carranza, na hepe na ngayon ng Calabarzon regional police office 4A mula sa pagiging Cordillera Police Regional Office (PRO-COR) regional director; Chief Supt. Rolando Nana, na itinalaga na sa NCRPO mual sa Cordillera Police Regional Office (PRO-COR); Chief Supt. Rolando Anduyan, na mamumuno na bilang district director ng Manila Police District (MPD) mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao Police Regional Office (PRO-ARMM) matapos palitan sa posisyon si Chief Supt. Joel Coronel, na inilipat naman bilang NCRPO deputy regional director for administration.
Epektibo na kahapon, Hunyo 1, ang kanilang pamumuno sa kani-kanilang bagong puwesto.
-MARTIN A. SADONGDONG at FER TABOY