Hindi dapat gawing pamalit sa sigarilyo ang electronic cigarettes.
Ang mga e-cig ay device na pinapaandar ng baterya, na ginagamit ng mga tao para humithit ng aerosol, na tipikal na naglalaman ng nicotine, flavoring, at iba pang kemikal, pamalit ng tradisyunal na tobacco cigarette.
“It is a definite ‘no’ for e-cigs. We do not agree that vaping is a smoking cessation device,” pahayag ni Dr. Glynna Ong Cabrera, program director ng Lung Center of the Philippines’ (LCP) sa kanilang smoking cessation program forum sa Quezon City nitong Martes.
Ang forum, na inorganisa ng Philippine College of Physicians (PCP), ay ginanap kasabay ng paggunita ng World No Tobacco Day.
Inilarawan ni Cabrera na mapanlinlang ang marketing strategy ng mga gumagawa ng e-cig, na nagsasabing ito ang pinakamagandang paraan para maitigil ang paninigarilyo.
Ang mga e-cig, aniya, ay maaaring maging sanhi ng iba’t ibang sakit na may kaugnayan sa paninigarilyo, gaya ng Lipoid Pneumonia at Popcorn Lung, at mapanganib din ito dahil may mga pagkakataon na sumasabog ang device.
“There have been several instances of exploding e-cigs, particularly their batteries,” lahad ng pulmonologist.
Kada taon, tuwing ika-31 ng Mayo, ginugunita ng World Health Organization (WHO) at ng mga katuwang nito ang World No Tobacco Day, upang bigyang-pansin ang kalusugan at panganib na dulot ng pagkonsumo ng tabako, at upang magpahayag ng mga epektibong polisiya upang mabawasan ang pagkonsumo sa tabako.
PNA