Nalagay sa balag na alanganin ang isang tricycle driver matapos umanong maaktuhang nagsusugal at makumpiskahan ng hinihinalang droga sa Makati City, nitong Martes ng hapon.
Nahaharap sa paglabag sa Anti-Gambling Law (PD 1602) at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165) si Rolando Espino y Cardinal, 33, ng 7691 Coronado Street, Barangay Guadalupe Viejo, Makati City.
Sa ulat ng Southern Police District (SPD), nadakip ang suspek sa Coronado St., sa Bgy. Guadalupe Viejo, bandang 2:45 ng hapon.
Unang nakatanggap ng impormasyon ang P o l i c e Community Precinct (PCP) 6 kaugnay ng nagaganap na ilegal na sugal sa lugar kaya mabilis na nagkasa ng operasyon ang awtoridad.
Pagdating sa lugar, naabutan nila ang mga nagsusugal ng cara y cruz at agad nagtakbuhan ngunit nasakote si Espino.
Nasamsam sa suspek ang isang pakete ng hinihinalang shabu, P123 na umano’y pusta sa sugal, at tatlong 25 coins na “Pangara”.
Nakakulong ang suspek sa Makati City Police.
-Bella Gamotea