Ibinunyag kahapon ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Party-list Rep. Jericho Nograles na nagpatupad ang Grab Philippines ng bagong minimum fare nang walang awtorisasyon mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

“Without any public hearing, Grab Philippines again unilaterally imposed a new illegal fare condition,” ayon kay Nograles.

“Previously, during the April 17 LTFRB hearing, Grab Philippines denied to the Board that they impose an P80 minimum fare. Now, no less than the Grab app publicly declares that the company charges the same minimum fare,” sabi pa ni Nograles. “This brazen act shows not only disrespect to the regulators, but proof that Grab Philippines has no intention to follow Philippine laws.”

Sa pagdinig kahapon sa LTFRB para sa petisyon ng transport network vehicle service (TNVS) company na magtaas ng pasahe, inamin naman ng Grab na nagpapatupad ito ng P80 hanggang P125 na minimum fare simula noong Hunyo 5, 2017.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Paliwanag naman ni Leo Gonzales, head ng Public Affairs Office ng Grab, P40 talaga ang sinisingil na base fare, subalit sumisingil ito ng P80 sa Grab Car kung nasa tatlong kilometro lang ang biyahe.

Ganito rin ang katwiran ng kumpanya para sa P125 minimum fare sa Grab Premium, at iginiit ni Gonzales na lugi ang biyaheng hanggang tatlong kilometro lang, kaya mahalagang proteksiyunan din nila ang kanilang mga driver.

Ayon pa kay Gonzales, matagal nang nakalagay ang P80-P125 base fare sa kanilang fare matrix kaya hindi masasabing inilihim nila ito sa publiko.

Inatasan naman ng LTFRB ang Grab na rebisahin ang petisyon nito sa taas-pasahe, kabilang ang mga computation sa mga umiiral at panukala nitong mga serbisyo, sa loob ng 10 araw simula sa Mayo 29.

Samantala, pinayuhan naman ni Nograles ang Grab na sa halip gumastos ng malaking pera sa propaganda upang lumikha ng ilusyon na sumusunod sa batas ang kumpanya, dapat ay tumalima ito sa mga alituntunin na itinatakda ng LTFRB upang maiwasan ang anumang problema, tulad ng malaking multa at posibleng pagbawi sa prangkisa nito bilang TNVS.

Matatandaang si Nograles din ang nagbunyag ng ilegal na P2 kada minutong extra charge ng Grab.

-BERT DE GUZMAN at BETH CAMIA