DALAWANG buwan bago magretiro bilang hepe ng Office of the Ombudsman (OOO), sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales (CCM) na ang higit na kailangan ng bansa ay malalakas na institusyon sa halip na “strongmen”. Si Carpio-Morales ay nakatakdang magretiro sa Hulyo 26 sa edad na 77.
Ang pahayag ay ginawa ni Carpio-Morales bunsod ng umano’y mga pag-atake sa kanyang tanggapan at iba pang constitutional bodies, tulad ng Supreme Court. “Ang kailangan ng bansa ay malalakas, malalayang institusyon kaysa strong leaders.”
Ayon sa may “balls” na babae, nangawawala at nagugupo ang mga dakilang tao at “strongmen” subalit ang mga dakilang institusyon ay nananatili sa pagkakatindig. Totoo nga naman ito kung susuriin natin ang kasaysayan ng mga bansa.
Bilangin natin ang ilang malalakas, makapangyarihan at strong leaders sa mundo, tulad nina Adolf Hitler ng Germany, Benito Mussolini ng Italy, Joseph Stalin ng USSR (Russia), Moammar Khadaffy ng Libya, Saddam Hussein ng Iraq, Ferdinand Marcos ng Pilipinas at iba pa.
Silang lahat ay namayagpag at naghari sa loob ng maraming panahon, kinatakutan pero sa bandang huli ay bumagsak din sa trono, at kinasuklaman.
Plano raw ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na tumakbo uling Mayor sa Davao City kapag nagwakas ang termino bilang Pangulo sa 2022. Sa talumpati sa inagurasyon ng Davao Bridge Widening Project kamakailan, sinabi ng 73-anyos na Pangulo na babalik na lang siya bilang alkalde ng lungsod.
Kung tutuparin ni Mano Digong ang kanyang plano sa 2022, siya ang pangatlong presidente ng Pinas na mula sa pinakamataas na puwesto ay tatakbo sa mababang puesto. Una ay si ex-Pres. Joseph Estrada na tumakbo bilang Mayor ng Maynila at si ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo na tumakbo bilang kongresista sa Pampanga.
Binigyan ni Mano Digong si Jose Ma. Sison, founder ng Communist Party of the Philippines (CPP) ng bagong ultimatum na magbalik sa Pilipinas para sa resumption ng peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng CPP-NPA-NDF. Kailangan daw na sa loob ng dalawang buwan ay magbunga ang usapan.
Pahayag ni PRRD: “Kapag walang nangyari (sa pag-uusap), sasabihin ko sa kanya, ‘wag ka nang bumalik sa bansa. Papatayin kita. Marami ka nang pinatay na mga sundalo at pulis ko. Dapat lang (na ikaw ay mamatay)”.
-Bert de Guzman