Warriors vs Cavaliers sa NBA Finals

HOUSTON (AP) – Sa isa pang pagkakataon, sa krusyal na sandali ng pinakaimportanteng laro sa playoff, umarangkada ang tikas ng Golden State Warriors, sa pangunguna ni Stephen Curry, sa third period para mabura ang 15 puntos na bentahe ng Houston Rockets tungo sa 101-92 panalo sa Game 7 ng Western Conference Finals nitong Lunes (Martes sa Manila) sa Toyota Center.

 UMISKOR sa dunk si Kevin Durant ng Golden State nang buwagin ang depensa ng Houston Rockets sa fast break play sa fourth period. Naghabol ang Warriors para maagaw ang panalo at makausad sa ikaapat na sunod na NBA Finals. (AP)

UMISKOR sa dunk si Kevin Durant ng Golden State nang buwagin ang depensa ng Houston Rockets sa fast break play sa fourth period. Naghabol ang Warriors para maagaw ang panalo at makausad sa ikaapat na sunod na NBA Finals. (AP)

Kumana si Curry ng 27 puntos, tampok ang 14 sa third period para sandigan ang Warriors sa pedestal at ihatid ang Golden State sa ikaapat na sunod na NBA Finals.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Muli, sa ikaapat na pagkakataon, makakaharap ng Warriors ang Cleveland Cavaliers ni LeBron James. Magsisimula ang serye sa Huwebes (Biyernes sa Manila) sa Oracle Center sa Oakland, California. Tangan ng Golden State ang 2-1 bentahe sa nakalipas na tatlong Finals kung saan nakuha ng Warriors ang kampeonato noong 2015 at 2017.

“This is a situation we’ve never been in before ... to win a Game 7 on the road, keep our composure for the whole series,” pahayag ni Curry.

Nalubog ang Golden State sa pinakamalaking bentahe sa 17 puntos sa kaagahan ng second period bago naisara ang halftime sa 11 puntos na abante ng Rockets. Sa third period, nagsimulang uminit ang outside shooting ng Warriors, sa pangunguna ni Curry na kumana ng apat na three-pointer para ma-outscored ang Houston, 33-15, at agawin ang siyam na puntos na bentahe papasok sa final period.

Kumana ang Houston ng mababang 24 percent (6 of 25) sa third period at naisablay ang lahat ng 14 na pagtatangka sa three-point area, taliwas kay Curry na tumapos ng 5 of 6 sa field, kabilang ang 4 of 5 sa long distance.

Naimintis ng Rockets ang kabuuang 27 sunod na 3-point attempts – isang NBA playoff record – bago nakaisa si P.J. Tucker sa corner may 6:28 ang nalalabi at abante ang Warriors sa 10 puntos.

Nanguna si Kevin Durant sa Warriors sa nakubrang 34 puntos, limang rebounds, at limang assists, habang tumipa si Klay Thompson ng 19 puntos, sa kabila nang maagang foul trouble.

Kumana si James Harden ng 32 puntos, anim na rebounds, anim na assists at apat na steals para sa Rockets, naglaro na wala si star guard Chris Paul (right hamstring strain).

Nag-ambag sina Clint Capela ng 20 puntos at siyam na rebounds at Tucker na may 14 puntos at 12 rebounds.