HANGA ako sa pagde-disiplina ni Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Oscar Albayalde sa mga alagad ng batas noong siya pa ang pinuno ng National Capital Region Police Office (NCRPO). Ang paghihigpit niya kasi ang naging dahilan nang pagkakasuspinde at pagkakasibak sa serbisyo ng mga malatubang pulis sa Metro Manila.

Sa mga kautusan niya ngayon bilang Chief PNP, nagbabala siya na may “paglalagyan” ang pulis na mahuhuli pa rin niyang nagte-text habang nasa duty – dito ay medyo na-OA-yan na ako talaga!

Hindi dapat sibakin agad ang mga pulis na nahuling nagte-text habang nasa duty – ‘yong mga natutulog, pwede pa. Itong naka-cellphone at gising na gising, sa palagay ko’y ginagamit lang ang pagte-text para hindi dalawin ng antok habang naka-duty. At least gising sila!

Para sa akin ay walang masama sa pagte-text, basta ‘wag lang magbabad sa mga social media site gaya ng FACEBOOK, YOUTUBE, at INSTAGRAM na uubos sa oras ng pulis para makapagtrabaho.

Wala akong nasisilip na panganib na maidudulot ang pagte-text ng pulis ng ilang minuto habang nasa loob ng presinto. Marahil, kung sa gitna ng isang “police operation” ay may biglang titigil na operatiba para lang makipag-text – ito ang dapat na sampilungin!

Tila “high blood” daw ngayon si CPNP Albayalde nang malaman nitong hindi sinusunod ang kautusan niya na bawal mag-text at matulog ang mga pulis habang naka-duty. Nakarating daw kasi kay CPNP na may isang PNP official, medyo mataas na rin ang ranggo at posisyon, na kinokontra nito nang pailalim ang utos ni CPNP -- tinuturuan daw nito ang mga pulis para ‘di “mabulaga” sakali mang biglang maglibot at mag-inspeksyon si CPNP gaya nang nakagawian nito nung siya pa ang RD, NCRPO.

Sa kainitan ng pagiging RD, NCRPO ni Albayalde, ay mahigpit na ipinaGbawal niya ang pag-text at pagtulog habang naka-duty ang mga pulis. Sa mga biglaang pagbisita niya kasi sa iba’t ibang presinto sa Metro Manila ay marami siyang dinatnan na kundi man natutulog, ay busy sa pakikipag-text, na mga pulis na naka duty, at sobrang nairita siya rito – kaya mariin niya itong ipinagbawal at todong ipinatutupad lalo pa ngayong siya na ang CPNP.

Umani ito ng puna mula sa MILLENNIALS na pulis na nagpahayag ng ‘di nila pagsang-ayon kay CPNP sa social media, na ikinagalit naman nito at agad na ipinahanap ang mga kritiko niya na mga aktibo pa sa serbisyo!

Sa loob ng organisasyon ng mga pulis, lalo na ‘yong mga bata, naniniwala akong marami talagang ‘di sang-ayon sa kautusang ito ni Albayalde. Aba’y bakit nga ba sila sasang-ayon dito? Mga MILLENNIALS ang mga ito, na ang kinagisnan at kinalakihan na gamit sa kanilang pakikipagtalastasan sa mga mahal sa buhay at kaibigan, ay ang sumisiglang paggamit ng cellphone sa pamamagitan ng pagte-text.

Paano mapipigilan ang mga pulis sa nakagawian na nilang pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa mga tao, kahit pa sila ay nasa gitna ng kanilang trabaho. Ang katwiran nila, wala namang nalalagay sa panganib habang nagte-text sila, at sa isang banda pa nga ay nakatutulong ito sa kanilang mga police operation. Malaking tulong daw sa “intel-info gathering” at imbestigasyon ang pagte-text!

Ang pagte-text ang isa sa pinakamabilis na paraan upang makipagtalastasan – sa mga source, asset, at complainant – kaya isa na rin itong sandata laban sa kriminalidad. Para sa akin, katawa-tawa na parusahan ang pulis dahil sa paggamit nito. Ngayon kung ayaw ninyo talagang pahawakin ng cellphone ang pulis – eh ‘di bigyan ninyo ng RADIO TRANSCEIVER na siya namang standard isyu para sa nagpapatrulyang pulis!

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.