Mistulang sumasayaw sa saliw ng awiting “Another One Bites the Dust” ng Queen si Pangulong Rodrigo Duterte dahil isa pang opisyal ng gobyerno ang sisibakin niya sa susunod na linggo dahil sa alegasyon ng kurapsiyon.
Ito ang inihayag ng Pangulo nang magtalumpati siya sa inagurasyon ng Davao River Bridge Widening Project sa Davao City, nitong Huwebes ng gabi.
Muling binigyang-diin ni Duterte ang banta niya sa mga opisyal ng gobyerno na huwag na huwag masasangkot sa kurapsiyon, o makikipagtransaksiyon sa sinuman sa kanyang mga kamag-anak kung ayaw ng mga itong masibak sa tungkulin.
“That has always been my warning and so sali lahat. I might fire another one pagbalik ko sa Malacañang,” sabi ni Duterte, nang hindi nagbibigay ng clue sa kung sinong opisyal ang kanyang tinutukoy. “Sinabi ko lang sa kanila, makikiusap ako huwag, do not, kasi ayaw ko talaga—and even a whisper.”
Ngayong linggo lamang ay sinibak ng Pangulo si Transportation Assistant Secretary Mark Tolentino dahil sa pakikipagnegosasyon sa kapatid niyang babae tungkol sa Mindanao railway project.
Nitong weekend, binanggit ng Pangulo ang posibilidad na sibakin niya sa puwesto ang limang opisyal ng pamahalaan, na hindi naman niya pinangalanan.
Noong nakaraang linggo naman, pinagbitiw ni Duterte sa tungkulin sina Justice Assistant Secretary Moslemen Macarambon Sr. at Public Works Assistant Secretary Tingagun Umpa, na kapwa nag-resign kaagad.
-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS