3 ginto sa PNG, naibigay ni Marella sa Muntinlupa City

CEBU CITY – Isinalba ni Marella Salamat ang malamyang kampanya ng mga National players nang angkinin ang tatlong gintong medalya sa cycling competition ng 9th Philippine National Games kahapon sa Cebu City Sports Center.

PROUD! Hindi nagpahuli si National rider Marella Salamat sa mga karibal sa cycling competition, habang pinanood ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Charles Maxey ang championship match sa chess nina Grandmaster Darwin Laylo ng Marikina City at Grandmaster John Paul Gomez ng Albay Province. (PSC PHOTO)

PROUD! Hindi nagpahuli si National rider Marella Salamat sa mga karibal sa cycling competition, habang pinanood ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Charles Maxey ang championship match sa chess nina Grandmaster Darwin Laylo ng Marikina City at Grandmaster John Paul Gomez ng Albay Province. (PSC PHOTO)

Sa ikalimang araw ng kompetisyon, bigo ang ilang National team members na makakuha ng medalya sa kani kanilang sports, na isang dagok sa kampanya ng sinamahang Local Government Units (LGUs).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nadomina ng 21-anyos Sea Games medalist at pambato ng Muntinlupa City ang Road Race, Individual Time Trial at Criterium sa elite women’s class.

Iginiit ni Salamat na naayon sa resulta ng kanyang kampanya dito ang ginagawang preparasyon para sa pagsabak sa Asian Games sa Jakarta, Indonesia sa Agosto.

“Happy naman po ako sa naging peroformance ko at nakatatlong ginto po ako. Parang preparation ko na rin po sa Asian Games. Lalaban po ako ng ITT sa Asian Games, pero mas maganda po kung may tune up games pa rin po ako before Asian Games,” pahayag ng UE student na si Salamat.

Sa elite men’ s, bumirit ang pambato ng Rizal Province na si Archie Cardana sa kanyang 21 puntos na nasikwat laban kina Dennis Gabaldon ng Pangasinan (20) at Rudy Roque ng Quezon Province (16).

Samantala, walang nagawa ang lakas ni National team member at archery coach Jennifer Chan nang maungusan ng batang pambato ng Quezon City na si Andrea Robles sa Senior Women’s Compound 50 meters.

Binigo ng 20-anyos na si Robles si Chan sa iskor na 140-136 para maiuwi ang gintong medalya at idagdag sa nahakot ng Quezon City.

Hindi rin pinalad na makapasok ang nga prominenteng women Archers ng National team na sina Nicole Tagle, at Karyl Meer Hongitan, ngunit masaya pa rin umano sa kinalabasan ng kompetisyon, gayung apat sa men’s national team members ang nakapasok sa finals ng compound at recurve category.

Si John Paul Marton dela Cruz ang siya namang naghari sa Compound men’s 50 meters category matapos nitong ungusan ang isa pang national team member na si Joseph Vicencio, 145-140.

“Medyo hindi ako satisfied sa performance ko pero happy pa rin kasi naka gold po. Tsaka syempre proud pa rin po ako kasi PNG ito e, so masaya. this is my 2nd gold for PNG last year kasi naka gold din po ako,” pahayag ni dela Cruz.

Patuloy ang pamamayagpag ng host sa kanilang 33 golds, 46 silver at 48 bronze sa medal standings, kasunod ang Baguio City (24-27-29), Mandaluyong City (20- 11-12 GSB); GenSan (16-22-25 GSB); Zamboanga (13-5-11 GSB) sa top five.

-ANNIE ABAD