MAGTITIPON at magtatapat-tapat ang mga manlalarong may mga natatanging skills ngayon sa ikalawang yugto ng 2018 PBA All-Star Week na idaraos sa Batangas City Coliseum.
Nakatakdang matunghayan ng mga fans mula sa Luzon partikular ng mga Batangueño ang bibihirang pagkakataon na magtutunggali sa Obstacle Challenge ang mga big men sa unang pagkakataon.
Bukod sa Obstacle Challenge, dalawa pang skills challenge ang paglalabanan sa second leg ng 2018 PBA All-Star series na kinabibilangan ng 3-point shootout at slam dunk, bago ang laban ng Smart National Team at ng PBA Luzon All Stars.
Ganap na 7:00 ng gabi ang All-Star Game kung saan si San Miguel coach Leo Austria ang susubok na ipanalo ang Luzon selection na pinangungunahan nina Japeth Aguilar, Calvin Abueva, LA Tenorio, Paul Lee, Jason Castro, Stanley Pringle, Matthew Wright, Marcio Lassiter, Alex Cabagnot, Arwind Santos, Ian Sangalang at Raymond Almazan kontra Smart National Team na naghahanda para sa Fiba World Cup qualifiers.
Maglalaro naman para sa Nationals sina June Mar Fajardo, Carl Bryan Cruz, Troy Rosario, Mac Belo, Allein Maliksi, Terrence Romeo, Gabe Norwood, Jio Jalalon at Kiefer Ravena.
Natalo ng Mindanao selection ang Team Philippines noong nakaraang Miyerkules sa Digos City, Davao del Sur sa pamumuno ni Baser Amer na nagtala ng 22 puntos.
Magsisimula naman ang Batangas All-Star spectacle ganap na 4:00 ng hapon.
Pangungunahan ni dating league MVP Asi Taulava ang mga maglalaban sa Obstacle Challenge kasama sina Sonny Thoss, Raymond Aguilar, JP Erram, Kelly Nabong, Russell Escoto, Ken Bono, Justin Chua, Aldrech Ramos, Beau Belga, Gabby Espinas at Yousef Taha.
Ipagtatanggol naman ni titleholder Allein Maliksi ang kanyang korona sa 3-point shootout kontra sa iba pang kalahok na pangungunahan ng mga dating kampeon na sina Terrence Romeo at James Yap.
-Marivic Awitan