Diringgin ng Senado, sa pamamagitan ng public hearings, ang iba’t ibang pananaw mula sa iba’t ibang sektor sa patuloy na militarisasyon ng mga teritoryong inaangkin ng Pilipinas sa South China Sea (SCS).

Naglabas ng pahayag kahapon si Senate President Vicente C. Sotto III nang tanungin kung kuntento ang Mataas na Kabulungan sa foreign policy directions ng administrasyong Duterte.

‘’Our committee on foreign relations will address this. As a matter of fact, there were two resolutions filed – three pala yung resolutions filed – to discuss it. Tingnan natin,’’ aniya.

Sinabi ni Sotto na mayroong mga nangangamba sa patuloy na militarisasyon sa SCS, ngunit mayroon namang ibang Pinoy na nagsasabing walang dapat ikabahala dahil kaibigan naman natin ang China.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

May tatlo pang nalalabing araw ang Senado para sa mga sesyon bago ang sine die adjournment ng pangalawang regular session ng 17th Congress sa susunod na linggo.

Hinihintay ng Senado ang public hearing ng Senate foreign relations committee na pinamumunuan ni Senador Loren Legarda sa isyu ng Chinese militarization sa SCS.

Sinabi ni Sen. Gregorio B. Honasan II, chairman ng Senate national defense and security committee, na kailangang panindigan ng Pilipinas ang pagmamay-ari nito sa mga pinagtatalunang bahagi teritoryo sa SCS.

Binatikos naman ng minority bloc sa Senado ang administrasyong Duterte sa pagpayag sa patuloy na pagpapalawak ng China sa mga artipisyal nitong isla na nilagyan ng paliparan at daungan para sa armed forces nito at pagkabit kamakailan ng missile batteries.

Kinondena ni Senate Minority Leader Franklin M. Drilon ang patuloy na paglabag ng China sa arbitration award at international rules at ang ‘’very aggressive stance’’ ng mga Chinese.

Iginiit ni Drilon na dapat manindigan ang pambansang pamahalaan sa soberanya nito sa mga pinagtatalunang teritoryo.

‘’We must continue to assert our sovereignty over Spratlys,’’ aniya.

-Mario B. Casayuran