Dalawang kumpanyang Chinese na dating ipinagbawal ng World Bank ang maaaring makibahagi sa nakaplanong massive development ng Marawi City dahil wala nang bisa ang blacklist, ayon kay Task Force Bangon Marawi chair Eduardo del Rosario.

Sinabi ni Del Rosario na ang dalawang kumpanya— China State Construction Engineering Corporation (CSCEC) at China Geo Engineering Corporation (CGC) — ay “legitimate” at muli nang pinayagan ng World Bank na kumuha ng mga proyekto.

Pinatawan ng sanctions ang dalawang kumpanya dahil sa umano’y alegasyon ng pandaraya sa ilang proyekto sa bansa noong 2009 ngunit inalis na ito ng WB noong 2014, ayon kay Del Rosario, pinuno rin ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC).

“Even World Bank provided projects or gave projects to Chinese Construction way back in 2016 so meaning to say, the blacklisting is not active anymore,” paliwanag ni Del Rosario sa press conference sa Marawi City.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

“They are legitimate. They are not blacklisted,” diin niya.

Tiniyak din ni Del Rosario na hindi magkakaroon ng sabwatan sa bidding ng Marawi rehabilitation projects sa kabila ng pagsali ng dalawang kumpanya.

Ang dalawang Chinese firms ay bahagi ng Bangon Marawi consortium na nakikipagnegosasyan para sa P17.2-bilyong kontrata ng gobyerno para sa pagbagon ng Marawi City mula sa digmaan.

“The bidding has yet to come during the Swiss challenge,” ani Del Rosario. “The bidding will start in May 30 so there’s no collusion.”

Umaasa ang gobyerno na masimulan ang groundbreaking ng Marawi development sa Hunyo 21.

-Genalyn D. Kabiling